Pagsasaayos sa sistemang irigasyon, iginiit ng mga magsasaka ng Bulacan
Naipagdayalogo ang mga magsasaka mula sa Malolos City, Plaridel at Calumpit sa National Irrigation Administration kahapon, Setyembre 26, para igiit ang kagyat na pagsasaayos ng mga sistema ng irigasyon na pininsala ng El Niño at La Niña sa prubinsya. Nagsumite sila ng pag-aaral sa mga epekto ng sira-sirang sistema ng irigasyon sa kanilang pagsasaka at produksyon, na lalupang pinalala ng magkakasunod na sakuna na dala ng El Niño at La Niña.
Ayon sa mga magsasaka, ang di maayos na imprastrukturang irigasyon ay nagdulot ng paulit-ulit na pagbaha sa panahon ng high tide, sobrang pagkapinsala ng kanilang mga pananim at pagpasok ng tubig-dagat sa kanilang mga sakahan na malapit sa Angat River.
Binatikos din nila ang Pampanga River Delta Project na nagresulta sa paglubog ng mahigit 100 ektarya ng mga sakahan sa Barangay Iba O Este sa bayan ng Calumpit. Ayon sa isang magsasaka, ang natitirang 15 ektaryang kayang sakahin ay walang irigasyon.
Kailangang kailangan ng rehabilitasyon ng mga sakahan sa Malolos, ayon naman sa mga magsasaka rito. Ang sistema ng irigasyon dito ay papasira na, at wala silang mapagkukunan ng tubig para makapagtanim.
Sa ilang lugar sa Plaridel at Malolos, naharang na ng mga istrukturang itinayo sa mga lupang ipinailalim sa land use conversion ang mga daluyan ng irigasyon. Sa Barangay Barihan sa Malolos, naputol ng sistemang irigasyon nang ilatag ang North Luzon Expressway.
Sa isang barangay sa Calumpit, lubog ang ilang sakahan dahil sa hindi natapos na mga imprastrukturang irigasyon. Dahil dito, isang beses lamang sa isang taon nakakapagtanim ang mga magsasaka.
Krusyal ang muling pagsasaayos ng imprastrukturang pang-irigasyon para sa rehabilitasyon ng mga sakahang napinsala ng tubig-dagat, ayon sa mga magsasaka. Dagdag dito, dapat itong gawing libre sa kanila. Dapat ding tiyakin na naabot ng sistema ang mga sakahan sa buong taon. Habang iniaayos ang imprastruktura bilang matagalang solusyon, dapat kagyat na maglaan ang gubyerno ng kinakailangang mga gamit, tulad ng mga motor pump at deep well, para agad na tugunan ang pangangailangan sa produksyon.
Panawagan nila sa NIA ang pagbubuo ng isang kumprehensibong estratehiya sa irigasyon na may lokal na mga konsultasyon, rehabilitasyon ng mga nasirang irigasyon at mabilis ng pagtatapos ng mga proyektong sinimulan na ng ahensya.
Ang mga magsasakang humarap sa ahensya ay mga myembro ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at Alyansa ng mga Magsasaka sa Bulacan. Kasama nila sa pakikipagdayalogo sina Rep. Arlene Brosas, kasalukuyang kinakatawan ng Gabriela Women’s Party at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan, Cathy Estavillo ng Amihan at pangalawang nominado ng GWP at dating kalihim ng Department of Agrarian Reform na si Rafael Mariano.