Pagsasampa ng gawa-gawang kasong terrorism financing laban sa 2 pastor, isang drayber sa Zamboanga Sibugay, kinundena
Tinuligsa ng Karapatan-Southern Mindanao Region (SMR) ang pagsasampa ng kasong “terrorism financing” ng rehimeng Marcos laban sa dalawang taong-simbahan ng United Methodist Church (UMC) at isang drayber noong Disyembre 2024. Pinararatangan ng mga pwersa ng estado sina Rev. Julius Neri Camannong at Rev. Joel Ordaneza ng UMC sa Zamboanga Sibugay, at drayber na si Romeo A. Russell na lumabag sa RA 10168 o Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012.
Ayon sa isinampang kaso ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa korte sa Zamboanga Sibugay, ang tatlo ay pinangalanan ng dating aktibista at ngayo’y ahente ng estado na si Nelson Bautista Jr. Si Bautista ay isa sa dalawang indibidwal na tinulungan ng mga pastor at binigyan ng sangtwaryo batay sa rekomendasyon ng kanilang mga kaibigan.
Salaysay ng Karapatan-SMR, Enero 2024 nang bumyahe si Bautista at kanyang kasama mula sa bayan ng Midsayap, Cotabato tungong Siay, Zamboanga Sibugay para magsangtwaryo. Mahigpit nitong pinasisinungalingan ang gawa-gawang kwento ni Bautista na ginamit na batayan sa pagsasampa ng kaso.
Anang grupo, ang mga pastor ay “nakatutok sa pagtataguyod ng mahihirap na komunidad, pagsuporta sa kanilang pakikibaka para sa hustisya, kapayapaan at dignidad, at isinasapraktika ang propetikong tungkulin ng pagbibigay sangtwaryo sa mga tagapagtanggol ng karapatang-taong dumaranas ng pampulitikang panunupil ng estado.” Tinulungan lamang umano nila ang nangangailangan.
“Ang seryeng ito ng pagkakaso ng terrorist financing laban sa mga taong simbahan at indibidwal ay nakapangingilabot,” pahayag ni Grecian T. Asoy, tagapagsalita ng Karapatan-SMR. Dagdag pa niya, nilulustay ng rehimen ang pondo at rekurso ng gubyerno para supilin ang mga taong-simbahan at progresibo sa harap ng napakahirap na kalagayan sa ekonomya ng mga pamilyang Pilipino.
Inihain ng mga pastor at drayber ang kanilang kontra-salaysay noong Enero 9 sa korte. Inihayag dito ng mga pastor na hindi sila gumastos nang kahit ano para sa mga nagsangtwaryo at sa halip ay nagbigay lamang ng matutuluyan bilang bahagi ng tungkulin ng simbahan sa mamamayan.
Panawagan ng Karapatan-SMR at ng mga biktima na kaagad ibasura ang gawa-awang kaso.