Pagsibak sa inutil na pinuno ng National Youth Commission, huling-huli na
Huling-huli para sa Kabataan Partylist ang pagsibak noong Agosto 29 sa kontra-kabataan, maka-Duterte at inaanak sa kasal ni Ferdinand Marcos Jr na si Ronald Cardema bilang chairperson ng National Youth Commission (NYC). Ipinalit sa 39-anyos na si Cardema si Joseph Ortega, dating panrehiyong direktor ng Department of Tourism sa rehiyon ng Ilocos, balwarte ng mga Marcos, at parte ng dinastiyang Ortega ng La Union.
“Ito ay matagal nang dapat ginawa batay sa taun-taong pagwawaldas ng pondo at mga maling prayoridad ng komisyon sa ilalim ng pamumuno ni Cardema,” pahayag ng Kabataan Partylist. Si Cardema ay itinalaga sa poder ni Rodrigo Duterte noong 2018 hanggang 2020 at muling itinalaga noong 2022.
Ayon sa Kabataan Partylist, paulit-ulit na pinuna ng Commission on Audit ang NYC noong 2019, 2021 at 2022 dahil sa kaduda-duda at hindi maayos na paggamit nito sa milyun-milyong pondo. Mayroon din umanong bahagi ng pondo ng Komisyon na ginamit para sa aktibidad ng National Task Force-Elcac, na malayong-malayo sa mandato nito.
Bahagi ng tungkulin ng NYC ang pagtataguyod sa pagpapaunlad ng kabataan sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga patakaran, kabilang ang pagtulong sa mga nahalal sa Sangguniang Kabataan. Sa ilalim ni Cardema sa komisyon, “lubos na napag-iwanan ang mga SK officials,” anang Kabataan Partylist.
Pagdidiin nito, bigo ang NYC na tulungan ang mga bagong halal na upisyal para ihanda sa kanilang pamumuno. Isa sa kinwestyon ng KPL ang mababang utilization rate o paggamit ng SK Mandatory and Continuing Training Fund na nasa 18% lamang.
Liban dito, lubhang kapuna-puna rin ang makupad na paglalabas ng NYC sa Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa R.A. 11768 o ang SK Compensation and Empowerment Law na isinulong at naisabatas ng Kabataan Partylist sa ika-18 Kongreso. Binigyan ng batas ng honoraryum ang mga upisyal ng SK kasama ang Secretary at Treasurer.
“Huling-huli siya sa pagtugon sa mga pangangailangan ng SK at ng kabataang Pilipino pero napakabilis sa pag-redtag at pagtanggol ng interes at imahe ng nakaupong administrasyon,” puna pa ng KPL. Bantog siyang “red-tagger,” kasama ang kanyang asawa na si Ducielle Marie Suarez Cardema, kinatawan ng bogus na Duterte Youth Partylist sa Kongreso.
Ginawa ni Cardema na “training ground” sa pagiging trapo ang NYC tungo sa kanilang pansariling ambisyon sa paparating na halalan 2025 at sa susunod pang panahon, ayon sa KPL. “Sintomas si Cardema ng bulok na sistema na pinapatakbo ng iilang naghaharing uri, at kailanman di dapat siya tularan ng kabataan.”
Samantala, hinamon ng Kabataan Party-list ang mga bagong talagang NYC Chairperson na sina Ortega at Commissioner-at-Large na si Karl Josef Legazpi na itakwil ang iniwang bulok na pamumuno at pulitika ni Cardema at sikaping gampanan ang tunay na mandato ng komisyon. “Dapat magpatupad ng mahusay at sistematiko na programa ng pagsasanay sa mga SK officials at ipatupad din nang tapat ang R.A. 11768 para masuportahan at matiyak ang awtonomiya ng mga SK sa buong bansa,” anito.
Nagbigay babala naman ang KPL sa plano ng rehimeng Marcos na gamitin ang komisyon para sa sariling interes nito, tulad noong panahon ng kanyang amang diktador. Nangako itong babantayan kung paano kikilos ang susunod na liderato ng NYC. “Hindi dapat magamit ang mga SK at iba pang lider-kabataan sa mga komunidad sa buong bansa para sa interes ng mga Marcos lalo sa nalalapit na halalan 2025. Ipaglalaban natin ang tunay na representasyon ng kabataan sa lahat ng antas,” anito.