Pagtataas ng presyo ng gasolina sa ika-4 na linggo, pasakit sa tsuper

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Binatikos ng mga tsuper at opereytor ng dyip na kasapi ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) ang muling pagtaas ng presyo ng gasolina noong Hulyo 9 sa ika-apat na sunud-sunod na linggo. Tumaas nang ₱1.25-₱1.50 ang gasolina, ₱0.40-₱0.60 sa diesel at ₱0.60-₱0.80 sa kerosene.

Ngayong taon, umabot na sa ₱9.25 kada litro sa gasolina, ₱8.4 kada litro sa diesel at ₱1.75 kada litro sa kerosene ang netong halaga ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Sa Metro Manila, naglalaro sa ₱54-₱86.77 kada litro ang presyo ng gasolina, ₱52-₱81.70 kada litro ng diesel at ₱74.04-₱84.04 kada litro ng kerosene ayon sa datos ng Department of Energy.

“Patuloy na bigo ang rehimeng Marcos Jr na pigilan ang paghahari ng “Big Three” na mga kumpanya ng langis sa bansa,” pahayag ng Piston. Anito, patuloy pa rin ang pagpataw ng Shell, Caltex, at Petron ng mga pagtaas sa presyo ng langis sa harap ng sumisirit na presyo ng mga bilihin.

“Patuloy na umiiral ang paghahari nila sa merkado at pagkamal ng malalaking tubo taun-taon dulot ng Oil Deregulation Law,” anang grupo. Ipinatupad ang naturang batas 26 taon na ang nakalilipas at nagpapahintulot ng pagkamal ng kita ng mga pribadong kumpanya, na kumukontrol sa 43% ng industriya.

Binatikos ng Piston ang “laging palusot ng mga kartel na ang mga lingguhang pagtaas ng presyo ng langis ay dahil sa mga sigalot sa Middle East at tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine.” Pahayag nila, aktibong nakikipagsabwatan ang rehimeng Marcos sa kanila, na patuloy na nagpapahirap sa mamamayang nagugutom at nagdurusa dahil sa dagdag pataw na VAT at excise tax sa mga produktong petrolyo.

Dagdag pa ng grupo, “habang lumalala ang kahirapan at kawalang kabuhayan sa bansa…, lalong nagiging malinaw ang mga anti-mamayang epekto ng imperyalistang globalisasyon.”

Kabilang ang isyu ng tumataas na presyo ng petrolyo sa mga ihahapag ng mga tsuper at opereytor sa darating na ikatlong State of the Nation Address ni Ferdinand Marcos Jr. Hinikayat nila ang mga kapwa tsuper at opereytor, at maging mga komyuter na maglunsad ng mga militanteng pagkilos, lalo na sa darating na SONA para igiit na ipailalim sa kontrol ng publiko ang industriya ng langis sa bansa.

AB: Pagtataas ng presyo ng gasolina sa ika-4 na linggo, pasakit sa tsuper