Pagtataas ng presyo ng tabako tungong ₱128 kada kilo, muling ipinanawagan
Muling iginigiit ng Solidarity of Peasants Against Exploitation (Stop Exploitation)-Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP)-Ilocos na itaas ng gubyerno ang presyo ng bentahan ng tabako tungong ₱128 kada kilo. Panawagan nilang ipirmi na sa ganitong presyo ang bilihan kasunod ng pagpalo nito kamakailan tungong ₱100-₱113, mula sa dating nakatakdang floor price o minimum na presyo na ₱81-₱97, depende sa klase. Anang grupo, pinatutunayan ng pagtaas ngayon ng presyo ng tabako ang pagiging makatarungan ng kanilang ilang dekada nang kahingian.
“Bagaman nagbibigay ng kaginhawaan mula sa nakaraang mga pagkalugi ang tumaas na presyo ng pagbili sa tabako mula nang magbukas ang panahon ng bentahan, nananatiling usapin ang kawalang katiyakan ng mga presyo. Dapat siguraduhin ng gubyerno ang makatarungan at pirming mga presyo, sa halip na mag-alok ng pakitang-tao na mga pagtaas tulad nito kada taon,” ayon kay Julie Balangue, tagapagsalita ng Stop Exploitation.
Paliwanag pa ni Balangue, nabawi lamang ng idinagdag na kita na ito ang tumataas ding gastos sa produksyon at ng nagmamahalang mga bilihin. “Higit isang dekada na nang una naming itinulak ang ₱128 kada kilong presyo. Ang presyo ng tabako na nakikita natin ngayon ay labis nang naantala at tanging sumasagot lamang sa maliit na bahagi ng makatarungang kompensasyon para sa aming pagtatrabaho at dedikasyon sa produksyon,” ayon pa sa kanya.
Nagbabantay pa sa ngayon ang mga magsasaka sa Ilocos kung mapananatili ba ng National Tobacco Administration (NTA) at mga sentro ng bilihan ang presyong ito ng tabako dahil nakaranas na sila sa nakaraan nang biglaang pagbagsak ng presyo. Kinutya naman ng Stop Exploitation ang NTA at sinabihang huwag magmagaling na sila ang nagdulot ng pagtaas ng presyo ng tabako gayong wala silang ginawa para maitulak ito. Anang grupo, bunga ito ng paghihirap at pakikibaka ng mga magsasaka.
“Ilang taon nang bigo ang ahensya na tugunan ang hinaing ng mga magsasaka, at hanggang ngayon, dahil pinahihintulutan nito ang mga sentro ng bilihan at mga kumpanya na kontrolin ang mga presyo at diktahan ang demand sa pamilihan,” ayon kay Balangue.
Ayon mismo sa NTA, maaaring pumalo ang presyo ng Class AA na flue-cured Virginia tungong ₱113 hanggang ₱127 kada kilo, mula sa floor price na ₱97. Habang ang magandang klase ng air-cured Burley at lokal na tabako ay maaring umabot sa ₱100 kada kilo mula sa ₱81 kada kilo na floor price. Itinatakda ang floor price ng tabako ng sabwatan ng pribadong sektor at NTA sa tabing ng “tripartite consultative conference” kasama ang mga magsasaka.
Liban sa pagtaas ng presyo, nagkaroon ng pagluwag sa mga patakaran ng klasipikasyon ng tabako ngayong taon. Ayon sa Stop Exploitation, ipinakikita nito ang kakayahan ng pribadong sektor na bumili ng tabako sa mas mataas na halaga nang hindi nagpapataw ng mga pahirap na restriksyon at klasipikasyon.
Himutok ng mga magsasaka sa rehiyon, ginagamit lamang ng mga kumpanya ang klasipikasyong ito para baratin ang presyo ng pagbili. “Hindi lamang dapat makinabang ang mga magsasaka sa relaxed na mga restriksyon ngayong taon kundi dapat gawin na itong pamantayan,” ayon kay Balangue. Sa kabila nito, pinagtibay nila ang kanilang panawagan na dapat nang tanggalin ang sistemang ito ng klasipikasyon.
Sa datos noong 2019, gumagastos ng abereyds na ₱151,060 ang mga magsasaka sa kada ektarya ng produksyon ng tabako. Malaking bahagi ng gastos ay napupunta sa mga kagamitan sa produksyon (₱62,631) at upa sa lupa (₱18,856). Mahigit anim na buwan ang iginugugol ng mga magsasaka sa produksyon, mula sa pagpupunla hanggang sa pag-aani at pagbebenta. Mayorya ng mga sakahan (66%) ay matatagpuan sa Ilocos Region, sunod sa Cagayan Valley (19%). Nakasalalay sa industriya ang 2.1 milyong Pilipino kabilang ang tinatayang 430,000 magsasaka, manggagawang bukid at kanilang mga pamilya.