Balita

Pagtatala ng DOLE sa bilang ng may trabaho, binatikos

Binatikos ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na binibilang nito bilang may trabaho (employed) ang mga Pilipinong nagtatrabaho nang minimum na isang oras kada linggo. Inihayag ng ahensya sa isang pagdinig sa senado para sa panukalang badyet sa 2025 noong Setyembre 5.

“Incredible nga naman itong DOLE at gubyernong Marcos Jr. Lahat ng standard binabago,” puna ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng KMU at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan.

Ayon sa Ibon Foundation, dapat maghinay-hinay ang gubyerno sa pagmamalaki nito kaugnay sa “masiglang sektor ng paggawa,” lalupa’t higit isang milyon ang kabataang manggagawa ang walang trabaho, at tumaas nang 2.4 milyon ang mga Pilipinong nagtatrabaho nang “part time.”

Noong Hulyo, nasa 1.02 milyong kabataan ang walang trabaho, mas mataas nang 172,000 kumpara sa 850,000 walang trabaho noong Hulyo noong nakaraang taon. Sa bilang na ito, 91% ay hindi nagtatrabaho, nag-aaral o nakapailalim sa pagsasanay (NEET). Malaki ang risgo sa kabataang ito na mabulid sa kahirapan.

Marami sa bagong trabaho ay hindi regular, temporaryo at mababa ang sahod, ayon pa sa Ibon. “Ibig sabihin nito, maraming manggagawang Pilipino, kabilang ang kabataan, ang pumapasok sa kahit ano na lamang na trabaho.”

Katunayan, lumaki ang bilang ng mga part-time na manggagawa mula 12.3 milyon noong Hulyo 2023 tungong 14.7 milyon sa Hulyo 2024. Ang mga manggagawa naman na “may trabaho pero wala sa lugar ng trabaho” ay tumaas nang 87,000.

“Kahit anong tumbling ni Marcos na pagmukhaing may nagagawa ang administrasyon niya, hindi niya maide-deny na salat ang sahod, kulang ang trabaho at laganap ang kahirapan,” batikos ni Adonis.

Tinawag nitong “world champion” ang mga upisyal ng gubyerno sa “mental gymnastics.”

Kinwestyon din ng ilang mga senador ang depinisyon na ito ng DOLE sa mga may trabaho. Posible umanong hindi tugma sa reyalidad ang estadistika ng estado dahil dito. Itinala ng rehimeng Marcos ang tantos ng may trabaho sa 96.9% noong Hunyo 2024 at 3.1% ang tantos ng walang trabaho.

AB: Pagtatala ng DOLE sa bilang ng may trabaho, binatikos