Pagtatanggol kay Rep. France Castro, Ocampo, at iba pa sa Talaingod 18, ipinanawagan sa harap ng di makatarungang hatol

, ,

Nagtipon sa harap ng Commission on Human Rights ang mga myembro ng koalisyong Makabayan at iba pang demokratikong organisasyon para ipanawagan ang pagtatanggol kay Rep. France Castro, Satur Ocampo at 14 pang tinaguriang Talaingod 18 ngayong araw, Hulyo 15. Ito ay matapos hatulan silang maysala sa child abuse (pang-aabuso ng bata), mula sa kasong isinampa sa kanila noong Nobyembre 2018.

“Di katanggap-tanggap at di makatarungan ang desisyon ng Davao del Norte Regional Trial Court Branch 2 laban sa amin, walong guro ng Salugpungan Ta ‘Tanu Igkanogon Community Learning Center at ng Community Technical College of Southeastern Mindanao, at dalawang guro mula sa Alliance of Concerned Teachers,” ayon sa pinag-isang pahayag na inilabas ni Castro at Ocampo ngayong araw.

“Ang di makatarungang hatol ay palatandaan ng nagpapatuloy na panggigipit sa mga tumutulong at nagsusulong sa mga karapatan ng mga batang Lumad at ang walang awat na mga atake sa mga eskwelahan at komunidad na Lumad,” dagdag nila.

Tinuligsa nila ang desisyon ng korte na anila’y “nagbalewala sa mga salaysay kaugnay sa nagpapatuloy na panghaharas ng militar at paramilitar sa mga eskwelahang Lumad at nagsasapanganib sa mga estudyante.” Mismong ang ipinatawag na saksi ng prosekusyon ang nagsabing lumisan ang mga guro sa komunidad dahil sa takot.

Walang basehan ang kunwa’y “konspirasiya” sa kanilang presensya sa haywey kung saan tinagpo nila ang mga guro at bata, anila.

Isinampa ang kasong kidnapping, human trafficking at child abuse laban sa Talaingod 18 nang sumaklolo sila, kasama ng iba pa, sa kahilingan ng mga guro at 14 estudyante sa Sityo Dulyan, Barangay Palma Gil, Talaingod Davao del Norte. Habang bumibyahe kasama ang kanilang sinaklolohan, pinaputukan at hinarang ang kanilang komboy. Agad na nakapagpyansa ang 18 na inaresto. Noong Disyembre 2018, una nang ibinasura na ng korte ang kasong kidnapping laban sa kanila.

“Ang mga taong totoong responsable sa pagsasara ng mga eskwelahan, gayundin sa mga pambabanta at panggigipit ay ‘di inimbestigahan ni minsan,” ayon kina Castro at Ocampo. Kukwestyunin nila ang naging desisyon sa lahat ng larangan, anila.

Inilabas ng korte ang hatol matapos magdeklara ang koalisyong Makabayan ng pagpapatakbo nito ng mga kandidato sa pagkasenador, pangunahin si Castro, sa darating na eleksyong 2025.

AB: Pagtatanggol kay Rep. France Castro, Ocampo, at iba pa sa Talaingod 18, ipinanawagan sa harap ng di makatarungang hatol