Pagtitipon para sa "Talaingod 13," inilunsad
Muling naglunsad ng aktibidad ang iba’t ibang grupo sa karapatang-tao at demokratikong organisasyon noong Agosto 3 sa Quezon City para ipahayag ang kanilang pagsuporta sa Talaingod 13. Di makatarungang hinatulang nagkasala ang 13 sa kasong child abuse (pang-aabuso ng bata) noong nakaraang buwan. Sinampahan sila ng kasong ito kaugnay ng pagsaklolo nila sa mga guro at 14 na estudyante ng paaralang Lumad sa Sityo Dulyan, Barangay Palma Gil, Talaingod Davao del Norte noong Nobyembre 28, 2018.
Ang Talaingod 13 ay kinabibilangan nina ACT Teachers Partylist Representative at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan na si France Castro, dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo, administrador ng Salugpongan Learning Center na si Eugenia Victoria Nolasco, at mga guro ng paaralang Lumad na sina Jesus Madamo, Meriro Poquita, Maricel Andagkit, Marcial Rendon, Marianie Aga, Jenevive Paraba, Nerhaya Tallada, Ma. Concepcion Ibarra, Nerfa Awing, at Wingwing Daunsay.
Ang pagtitipon ay pinangunahan ng Koalisyong Makabayan, Save our Schools Network, Bagong Alyansang Makabayan at Katribu-Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas. Nagbigay ng talumpati ng pakikiisa at pagsuporta ang mga kaibigan at kasama ng Talaingod 13.
“Kung hindi tayo titindig ngayon sa panahong ginagamit ang mga gawa-gawang kaso para patahimikin ang mga nagtatanggol sa pinaka-inaapi, ipagpapatuloy lamang ng mga nanggigipit ang kanilang pagiging sakit sa lipunan,” pahayag ng ACT Teachers Partylist.
Nanawagan ang ACT Teachers Partylist na ipagtanggol ang mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at mga sektor na kanilang sinusuportahan, kabilang ang mga katutubong minorya. “Kundenahin ang nagpapatuloy na terorismo ng administrasyong Marcos at mga makinarya nito laban sa mga komunidad ng katutubo,” ayon pa sa partido ng mga guro.
Matatandaang naghain na ng apela ang Talaingod 13 sa Regional Trial Court 2 sa Tagum City noong Hulyo 22 para baligtarin ang hatol na maysala sa kasong child abuse (pang-aabuso ng bata).