Balita

Pagtiyak sa kaligtasan ng mga sibilyan, panawagan ng mga grupo matapos ang engkwentro sa Ilocos Norte

Nagpahayag ng labis na pagkabahala ang Kaammoyo ti Kappia (KTK) at Ilocos Human Rights Alliance (IHRA)-Karapatan para sa kaligtasan ng mga sibilyan kasunod ng isang naiulat na armadong engkwentro sa pagitan ng 50th IB at Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Barangay Poblacion, Nueva Era, Ilocos Norte noong Pebrero 6. Ayon sa mga ulat, nagkaroon ng 15 minutong labanan sa naturang barangay ang 50th IB at 15 kataong yunit ng BHB.

Nababahala ang KTK dahil mayroong mahabang kasaysayan ng paglabag sa karapatang-tao ang Armed Forces of the Philippines (AFP). Dati nang nakapagtala ang grupo ng ekstra-hudisyal na pagpaslang, sapilitang pagkawala, tortyur at panghaharas sa mga sibilyan sa pinalalabas na mga lehitimong operasyong military.

“Dahil sa rekord na ito ng AFP ng mga pag-abuso sa karapatang-tao, nananawagan kami para sa isang kagyat at imparsyal na imbestigasyon para tiyakin ang proteksyon ng mga sibilyan komunidad,” ayon kay Rev. Fr. Randy S. Manicap, tagapagsalita ng KTK. Suportado ng IHRA-Karapatan ang panawagan ng KTK at sinabing dapat umaksyon Commission on Human Rights (CHR), sa International Committee of the Red Cross at iba pang makataong organisasyon.

Dagdag dito, ipinanawagan nila sa 50th IB na kaagad itigil ang militarisasyon at pagtatambak ng napakaraming pwersa ng militar at pulis sa komunidad na naghahatid ng terorismo sa mga sibilyan. “Tinataliwas nito ang naunang pahayag ni [Ilocos Norte] Gov. Matthew Marcos Manotoc na nagtiyak sa mga residente na walang dapat ipag-alala,” ayon pa kay Rev. Fr. Manicap.

Hiling pa ng pari sa gubyerno na muling bumalik sa negosasyong pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) para tugunan ang mga ugat ng armadong tunggalian sa halip na militarisasyon. “Sa pamamagitan laman ng tunay na dayalogo at hustisya makakamit ang matagalang kapayapaan,” pahayag ng pari.

AB: Pagtiyak sa kaligtasan ng mga sibilyan, panawagan ng mga grupo matapos ang engkwentro sa Ilocos Norte