Pagtratong tropeyo ng 84th IB sa napaslang na mga Pulang mandirigma, kinundena

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kinundena ng Karapatan-Central Luzon ang 84th IB at 7th ID sa pagbalandra at pagprisenta bilang tropeyo nito sa limang bangkay na mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na napaslang sa isang sinasabing engkwentro na naganap sa Barangay Malibang, Pantabangan, Nueva Ecija, noong Hunyo 26.

Ayon sa Karapatan-Central Luzon, nababahala sila sa pagpapakalat ng mga yunit ng militar sa social media ng mga larawang nagpapakita sa mga bangkay. Anang grupo, ang paglapastangan sa bangkay ng mga napatay ay paglabag sa internasyunal na makataong batas at alituntunin sa sibilisadong pakikidigma.

Hindi na bago ang ganitong kalakaran ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Karaniwan na nilang ibinabalandra sa social media ang mga bangkay ng kanilang napatay na mga rebolusyonaryo o sibilyan para pagpyestahan ng kanilang mga bayarang trolls.

Sa nakaraan, ginawa ito ng AFP sa bangkay ni Jevelyn Cullamat, anak ng lider-lumad at dating kinatawan ng Bayan Muna Partylist na si Rep. Eufemia Cullamat, na napaslang sa isang engkwentro noong Nobyembre 28, 2020. Itinabi pa ng militar sa bangkay ni Jevelyn ang isang riple at ang iba pang mga nasamsam nito sa engkwentro na tila “war loot.” Ang kasong ito ay kabilang sa idinulog ng mga grupo sa karapatang-tao sa naganap na International People’s Tribunal noong Mayo na naghatol ng maysala kina Marcos, Duterte at gubyerno ng US sa mga krimen sa digma.

Samantala, dagdag sa pangamba ng Karapatan-Central Luzon na ang isa sa mga ipinrisentang bangkay ay nakapiring, na anila ay hindi karaniwan sa mga engkwentro. Nababahala rin ang grupo sa pagkaantala ng anunsyo ng AFP sa tatlong kababaihang napaslang din sa sinasabing labanan kahit pa nasa kalapit na lugar lamang ang mga bangkay.

“Napakahaba ng kasaysayan ng pagsasawalang bahala ng AFP sa batas ng digma. Napakaraming mga kaso na hindi nila iginagalang ang buhay ng kanilang mga kadigma,” pagdidiin ng grupo. Ito umano ang dahilan ng kanilang pagkabahala sa sirkumstansya ng pagkamatay ng sinasabing mga Pulang mandirigma at mga paglabag sa internasyunal na makataong batas.

Ayon pa sa Karapatan-Central Luzon, patunay ang nagpapatuloy na mga kaso ng extrajudicial killing, enforced disappearances, at pagpatay sa mga sugatan sa kawalang-galang at hindi pagsunod ng AFP sa Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).

Sa harap nito, nanawagan ang mga kapamilya ng mga biktima, iba’t ibang mga makataong organisasyon at Karapatan-Central Luzon na igalang ang batas ng digma at karapatan ng mga rebolusyonaryong pwersa. “Humihingi kami ng hustisya at masusing imbestigasyon para sa mga nasawi,” dagdag ng grupo.

Nagpunta na ngayong araw sa bayan ng Pantabangan, Nueva Ecija ang Karapatan-Central Luzon at mga kaanak ng mga biktima para kunin ang mga bangkay ng mga napatay. Giit nila, dapat ipagkaloob sa mga kaanak ang paggalang sa labi ng kanilang mahal sa buhay at hayaan ang payapa at walang balakid na pagkuha sa mga ito.

___
Updated: 5:32 PM, June 28, 2024

AB: Pagtratong tropeyo ng 84th IB sa napaslang na mga Pulang mandirigma, kinundena