Pagtutol sa reklamasyon, ipinarating sa bagong kalihim ng DENR
Nagmartsa ang mga grupo ng mangingisda at tagapagtaguyod ng kalikasan tungo sa upisina ng Department of Environment and Natural Resources sa Quezon City noong Agosto 5 upang iparating ang kanilang pagtutol at panawagang pagrepaso sa planong reklamasyon sa Maynila at iba pang bahagi ng bansa.
Ayon sa grupo, nais nilang tawagin ang pansin ng ahensya sa mga planong reklamasyon ng gubyerno, tulad ng 320-ektaryang proyektong reklamasyon sa Bacoor City, Cavite at ang nagpapatuloy na reklamasyon para sa itatayong 2,500 ektaryang Bulacan Aerotropolis na proyekto ni Ramon Ang.
Sa taya ng grupong PAMALAKAYA, mayroong 50 proyektong reklamasyon sa Manila Bay, sakop nito ang mahigit 30,000 ektarya na kanilang pinangingisdaan. Lubos din itong mapanganib sa mga yamang dagat dahil wawasakin nito ang natitirang mga bakawan sa Manila Bay.
Hinamon nila ang kasalukuyang kalihim ng DENR na maglabas ng pahayag laban sa mga proyektong reklamasyon at huwag magbigay ng mga permit para sa mga proyekto.