Balita

Pahayagang pangkampus ng Bicol University, ni-red-tag

,

Mariing kinundena ng The Bicol Universitarian, ang upisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng Bicol University ang pag-red-tag sa pahayagan ng isang Facebook page.

Sa ipinakalat na poster ng FB page na “GREEN SPARK” noong Agosto 28, pinaratangan nito ang publikasyon at ang iba pang organisasyon ng mga kabataan bilang kaalyado CPP-NPA at NDF at “lason ng mga kabataan.” Ginamit nitong “source” o batayan ng impormasyon ang mismong pahayagan para sa kasinungalingan nito.

“Bilang isang publikasyon, ang pagiging matapang tungo sa katotohanan ay hindi katumbas ng terorismo. Hindi kinukunsinti ng publikasyon ang red-tagging at walang lugar sa pamantasan ang ganitong uri ng mapanirang alegasyon,” saad ng The Bicol Universitarian sa Editor’s Note ng kanilang FB Page.

Idinagdag pa nito na “hindi lamang nito nilalagay sa panganib ang kaligtasan ng mga inosenteng indibidwal at organisasyon, kundi sinisira rin ang tunay na layunin ng isang malaya at responsableng pamamahayag.”

Hindi ito ang unang pagkakataon na nired-tag ang mga publikasyon sa Kabikulan. Noong nakaraang taon, dumanas ng pananakot, surbeylans, at pangre-red-tag ng mga elemento ng 9th ID ang mga myembro ng The Pillars, ang upisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng Ateneo De Naga University.

AB: Pahayagang pangkampus ng Bicol University, ni-red-tag