Pambansang welga sa Ecuador, nasa ika-3 araw na
Tatlong araw na ang Paro Nacional o pambansang welga ng mamamayang Ecuadorian laban sa neoliberal na mga patakarang ipinatutupad sa kanilang bansa. Sa pangunguna ng Confederación de Nacionalidades Indígenas (Conaie), isang pederasyon ng mga grupong katutubong Ecuadorian, libu-libo ang humugos sa iba’t ibang lansangan para pigilan ang pagdaan ng mga sasakyan at tao. Pinaralisa nila ang mahigit 20 mayor na mga daan.
Ayon kay Leonardo Iza, pinuno ng Conaie, hindi sila titigil hanggang hindi tugunan ng presidente ng Ecuador na si Guillermo Lasso ang kanilang mga kahilingan. Aniya, dapat ipakita ng estado na pumapanig ito sa mamamayan at hindi sunud-sunuran sa mga dikta ng International Monetary Fund.
Inihapag ng Conaie ang 10 hakbang para maibsan ang paghihirap ng mamamayang Ecuadorian. Kabilang dito ang pagpapababa at pagpako sa presyo ng langis at pagbibigay ng subsidyo sa pinakaapektadong mga sektor.
Nanawagan din sila para sa makatarungang presyo sa pagbili ng mga produkto ng magsasaka at mga prodyuser na maliitan at katamtamang-laki; trabaho at karapatan sa paggawa; at moratoryum sa ekspansyon ng pagmimina at iba pang aktibidad kaugnay sa pagmimina ng langis at iba pa.
Nagsimula ang Paro Nacional noong Hunyo 13. Noong Hunyo 14, biglang inaresto ng mga pulis si Iza sa suspetsa na may “gagawin” siyang krimen. Dahil dito, muling humugos ang mamamayan sa mga sentrong syudad at lansangan para igiit ang kagyat na pagpapalaya sa kanya. Napilitan ang estado na palayain siya matapos ang 24 oras.
Hanggang sa ngayon, patuloy ang paghugos ng mamamayan sa lansangan sa iba’t ibang dako ng Ecuador. Sa ilang lugar, sinalubong sila ng karahasan ng mga armadong pwersa ng estado.