Pang-aabuso ng pulis, kinundena ng mga grupong tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Metro Manila
Kinundena ng Karapatan-National Capital Region (NCR) at Defend-NCR ang karahasan ng isang pulis ng Manila Police District laban kay Emman Durden, residente ng Pandacan sa Maynila noong madaling araw ng Nobyembre 1. Ayon sa mga grupo, ang nangyari ay hindi nahihiwalay na kaso kundi bahagi ng malawak na padron ng pang-aabuso, pagsasamantala at kultural ng kawalang pananagutan ng nag-aastang makapangyarihan na mga pulis sa Maynila.
Ayon sa biktima, nadaanan lamang ang naturang pulis nang bigla na lamang siyang pinag-initan, sinakal, tinakot at kinasahan ng baril.
Ayon sa Karapatan-NCR, bantog na sa komunidad ang pulis sa pagiging mapang-abuso. “Habang patuloy na binibigyang-laya ng estado ang mga abusadong pulis, patuloy ring nadaragdagan ang mga biktima ng karahasang pulisya,” pahayag ng grupo.
Nagpahayag ng suporta ang Karapatan-NCR at Defend-NCR kay Durden at sa pamilya niiya para sa kamtin ang hustsya. “Dapat panagutin ang pulis na sangkot at ang mga opisyal na nagkukunsinti sa ganitong uri ng karahasan,” ayon pa sa Karapatan-NCR.
Susuportahan nila ang plano ni Durden na magsampa ng kaso laban sa pulis.
Matatandaan na ang mga pulis rin sa ilalim ng Manila Police District ang marahas at brutal na umaresto sa mga kabataan at raliyista sa Mendiola at Recto noong protestang Setyembre 21 kontra korapsyon. Dinakip nila ang hindi bababa sa 277 indibidwal, kabilang ang 91 menor de edad, at matagal na ikinulong. Dumanas ang mga inaresto ng tortyur at pagmamalupit sa loob ng kulungan sa kamay ng mga pulis.