Pang-aagaw ng lupa ng mga magsasaka sa Negros Occidental para sa plantasyon ng oil palm, kinundena

,

Kinundena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP)-Negros ang pagpapalayas at pagbuldoser sa lupa ng mga residente ng mga barangay Gatuslao, Agboy at Payauan sa bayan ng Candoni, Negros Occidental noong Hulyo 23. Ang ginawang pagpapalayas ay kaugnay ng balak ng pamilyang Consunji na maglatag ng plantasyong palm oil sa lugar. Nasa 6,652 ektaryang lupa ang inaagaw ng Hacienda Asia Plantation Incorporated (HAPI) ng mga Consuji para rito.

Ayon sa mga residente, ang inaagaw na lupa ay klasipikaadong forest land (kagubatan). Ang 4,000 ektarya ay tinitirhan ng mga katutubo at sa gayon, iligal ang pagbebenta sa lupa sa mga Consunji.

“Dapat na kwestyunin ang desisyon ng Department of Environment at Natural Resources (DENR), komite sa kalikasan ng lokal na gubyerno at ang mismong lokal na gubyerno sa pagbibigay laya sa reklasipikasyon ng lugar at hindi isinaalang-alang ang epekto sa tirahan at kabuhayan ng mga residente at mismo sa kalikasan,” pahayag ng KMP-Negros.

Pumasok ang DENR sa isang kasunduan sa HAPI para sa isang Integrated Forest Management Agreement (IFMA) na magpapahintulot ng pagtatayo ng plantasyon sa pamamagitan ng pagpapalit-gamit dito.

Ang IFMA ay magpapahintulot ng ekslusibong karapatan sa pagpapaunlad, pangangasiwa, pagprotesta at paggamit sa isang takdang erya ng kagubatan at mga rekurso nito. Pahihintulutan ito sa loob ng 25 taon at maaari pang palawigin ng dagdag na 25 taon.

Ayon sa grupong Gatuslao Agro-Forestry, Banana, and Sugarcane Farmers Association (GABASFA), hindi bababa 1,000 magsasaka at kanilang pamilya, kabilang na ang mga katutubo, ang posibleng mapalayas dahil sa plantasyon.

“Sa nakaraan ay sinabi ng LGU na magbibigay kabuhayan daw ito sa mga residente ngunit sa ngayon ay paunti-unti nang pinapaalis ang mga residenteng nagtatrabaho sa plantasyon,” ayon sa grupo.

Mismong ang mga upisyal ng lokal na gubyerno ng Candoni ang naglalako sa “benepisyo” na umano’y ihahatid ng plantasyon sa kanilang bayan at mamamayan. Hindi nila alintana ang malubhang apekto nito sa buhay at kabuhayan at ng mga magsasaka at katutubo sa tatlong barangay na ito ng Candoni.

Naninindigan ang mga magsasaka na mananatili sila sa lupa at ipagtatanggol ang kanilang karapatan dito. Marami sa mga pamilya dito ang nagtatanim at nakatira sa lugar sa nakaraang 60 hanggang 70 taon.

AB: Pang-aagaw ng lupa ng mga magsasaka sa Negros Occidental para sa plantasyon ng oil palm, kinundena