Pangakong pamamahagi ng alawans sa mga manggagawang pangkalusugan, pampapogi para sa SONA

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Tila pampapogi lamang ni Ferdinand Marcos Jr ang anunsyo niyang ipamamahagi na sa mga manggagawang pangkalusugan ang labis-labis nang naantalang ₱27 bilyong Health Emergency Allowance (HEA). Ayon sa Alliance of Health Workers (AHW), kataka-taka na ngayon ito minamadaling ipamigay gayong matagal nang may pondo para rito ang gubyerno.

Habang ikinalugod ng mga manggagawang pangkalusugan ang anunsyo, malinaw na itinaon lamang ito ni Marcos Jr dahil papalapit na ang ikalawa niyang State of the Nation Address (SONA). “Bakit ngayon lang? Dahil gusto lang ng administrasyon na ipagyabang ang mga nagawa nito kaysa tugunan ang kagyat na pangngailangan ng mga manggagawang pangkalusugan,” pahayag ni Robert Mendoza, pambansang tagapangulo ng AHW.

Umaasa ang AHW na maibigay na ang buong alawans ng mga manggagawang pangkalusugan sa mga pribadong ospital at mga pinatatakbo ng lokal na gubyerno, laluna at noong huling dayalogo nila sa Department of Health noong Abril ay hindi pa naisasaayos ang listahan ng mga makatatanggap nito.

Mula pa noong panahon ng pandemyang Covid-19, pinanungahan ng AHW ang paglaban ng mga manggagawang pangkalusugan para makamtan ang nararapat na mga alawans at karapatan ng sektor. Kaya naman, maituturing nilang mahalagang tagumpay ang pamamahagi ng alawans para sa mga manggagawang pangkalusugang nanguna sa laban kontra Covid-19.

Lalahok ang AHW at mga kasaping unyon nito sa darating na malawakang kilos protesta na isasabay sa ikalawang SONA ni Marcos Jr sa Hulyo 22. Igigiit ng mga manggagawang pangkalusugan ang nakabubuhay na sahod, makatarungang benepisyo, katiyakan sa trabaho, maramihang pagdagdag ng tauhan at karapatan ng sambayanan sa kalusugan.

AB: Pangakong pamamahagi ng alawans sa mga manggagawang pangkalusugan, pampapogi para sa SONA