Balita

Panggigipit ng estado sa mga magsasaka sa Hacienda Tinang, binibigo

Nananatiling matatag ang paninindigan ng mga magsasaka ng Hacienda Tinang, Concepcion, Tarlac at ang kanilang samahang Malayang Kilusang Samahan ng Magsasaka ng Tinang (Makisama-Tinang) sa harap ng sunud-sunod na panggigipit sa kanila ng mga pwersa ng estado.

Nagprotesta sila sa Department of Agrarian Reform (DAR) sa Quezon City noong Nobyembre 13 para batikusin ang maruruming taktika nito.

Ayon sa mga magsasaka, sunud-sunod ang harasment sa kanila noong nakaraang mga linggo. Ang serye ng pag-atake ay nagsimula noong Nobyembre 7 nang matagpuan nila na wasak ang kanilang muhon. Sa sumunod na araw, Nobyembre 8, “binisita” ng isang tauhan ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) ang kaanak ni Alvin Dimarucut, lider-pesante ng Makisama-Tinang.

Nais umanong makausap ng ahente ng OPAPP ang asawa ni Dimarucut para maging katuwang sa “pagkumbinsi” sa kanya na kumalas sa samahang magsasaka para ilayo ito sa sinasabi nilang masama at maling landas. Diumano, ang mga grupong sumusuporta kay Dimarucut ay kabilang sa mga “teroristang grupo.”

Noong Nobyembre 10, natagpuang sinunog at upos na lamang ang kubol ng mga magsasaka ng Makisama-Tinang. Ang kubol ang sentro ng mga pulong at simbulo ng pagkakaisa ng mga magsasaka. Anang Makisama-Tinang, ang naturang kubol “ang naghudyat ng pagtindig at paggigiit ng karapatan sa lupa at karapatang magbungkal.”

Pangalawang beses nang sinunog ang kubol, anang samahan. Muli itong itinayo ng mga magsasaka sa sumunod na mga araw.

Patuloy na ipinananawagan ng mga magsasaka ng Hacienda Tinang sa DAR ang kagyat na pagpwesto sa kanila sa lupa bilang mga benepisyaryo. Noon pang Abril 26 naglabas ng kautusan ang DAR na ipamahagi ang 62.3 ektaryang lupa sa 90 magsasaka bilang agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa asyenda.

AB: Panggigipit ng estado sa mga magsasaka sa Hacienda Tinang, binibigo