Panggigipit sa mga katutubong Sakai ng Indonesia, binatikos

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Binatikos ng Asian Peasant Coalition (APC) at International Indigenous Peoples Movement for Self-Determination and Liberation (IPMSDL) ang panggigipit ng mga pwersa ng pulis ng Indonesia sa mga aktibistang katutubong Sakai. Ang mga katutubong Sakai, na nasa Siak Regency, prubinsya ng Riau, ay nakikibaka laban sa pang-aagaw ng kanilang lupang ninuno at pagtatayo ng mga proyekto dito.

Sa ulat ng Aliansi Gerakan Reforma Agraria (AGRA o Agrarian Reform Movement Alliance), grupo ng mga magasaka sa Indonesia, ipinatawag ng mga pulis noong Hulyo 10 si Hermansya, isang aktibistang Sakai, at iba pang mga kasapi nila, para imbestigahan kaugay ng kanilang pagtindig laban sa itatayong proyekto ng debeloper na CV Budi Santosa.

Naninindigan ang mga Sakai laban sa proyekto sa batayan ng kanilang karapatan sa lupaing ninuno. Inilatag nilang batayan dito ang tradisyunal na batas na mga minoryang etniko alinsunod sa 1945 Constitution ng Indonesia at ang mga batas at regulasyon sa ilalim nito. Anila, mayroon silang karapatang tumutol sa proyekto sang-ayon na rin sa International Labour Organization Convention 169 na nagdidiin sa Karapatan sa Sariling Pagpapasya ng mga Katutubong Mamamayan sa Kanilang sariling lupaing ninuno.

Nanawagan ang IPMSDL at APC, bilang suporta sa komunidad ng mga Sakai at AGRA, na ihinto ang lahat ng porma ng ligal na maniobra katulad ng mga imbestigasyon ng pulis laban sa kanila. Malinaw umanong layunin lamang ng mga ito na takutin at paatrasin ang komunidad sa paggigiit ng kanilang mga karapatan sa kanilang lupa.

Liban sa karanasan ng mga Sakai, ibinahagi ng IMPSDL na maraming iba pang katulad na kaso ang kinahaharap ng mga katutubo sa Indonesia, sa partikular ang mga taga-Riau. Kalahati ng mga plantasyon ng oil palm sa naturang prubinsya ang iligal na nag-ooperasyon at nang-aagaw ng lupa ng mga katutubo at tahasang nandadahas sa kanila.

“Nananawagan kami sa lahat ng mga kapatid naming katutubo, mga tagapagtaguyod ng karapatan ng katutubo at tagapagtanggol ng lupa na tuligsain ang lahat ng porma ng panggigipit at intimidasyon laban sa mga lider-katutubong Sakai sa Riau,” pahayag nina Beverly Longid, lider-katutubo sa Cordillera at Jiten Yumnam, mga tagapagtipon ng IPMSDL.

Samantala, nagsagawa ng protesta ang mga katutubong Sakai noon ding Hunyo 10 para batikusin ang panggigipit at ipahayag ang kanilang pagtutol sa konstruksyon.

AB: Panggigipit sa mga katutubong Sakai ng Indonesia, binatikos