Panggigipit sa mga lider-kababaihan sa Cebu at Marikina City, binatikos
Kinundena ng grupo ng kababaihan na Gabriela ang magkasunod na intimidasyon at pagmamanman sa mga lider-kababaihan mula sa Cebu at Marikina noong ikalawang linggo ng Setyembre. Tinarget ng pulis at militar ang mga lider-kababaihang sina Bebe Allere, tagapangulo ng Cebu Urban Poor Women’s League (CUPWOL), at Elizabeth Maynigo, pangulo ng Gabriela Partylist Marikina, dahil sa kanilang pagtindig para sa karapatan ng maralita at kanilang komunidad.
Sa Cebu, dalawang insidente ng paniniktik ang naranasan ni Allere sa magkasunod na araw ng Setyembre 10-11. Ayon sa kanyang mga kapitbahay, tatlong nakasibilyang pulis ang tumambay sa tapat ng bahay ni Allere noong Setyembre 10 mula alas-2 ng hapon hanggang alas-4 ng hapon. Muli nilang namataan ang mga ahente ng estado noong Setyembre 11 nang alas-2 ng madaling araw. Nagpanggap pa umano ang mga ito na mga tauhan at empleyado ng isang suplayer ng kuryente.
Anila, nagtanung-tanong ang mga ito sa mga residente at nagpakita ng mga larawan ni Allere. Hinahanap umano sa kanila ang lider-kababaihan at inaalam ang kanyang mga aktibidad. Kinunan pa ng litrato ng mga pulis at militar ang bahay ni Allere at katabing mga lugar nito. Ikinabahala at ikinatakot ito ng magkakapitbahay.
Bago pa nito, biktima na si Allere ng red-tagging at panggigipit sa iba’t ibang pagkakataon dahil sa kanyang pakikiisa sa mga taga-CICC Mandaue at Carbon Public Market laban sa bantay ng demolisyon at pribatisasyon.
Sa Marikina city, dalawang nagpakilalang pulis ang nagpanggap na magbibigay ng ayuda kay Elizabeth Maynigo, presidente ng Gabriela Partylist Marikina noong Setyembre 11 sa Barnagay Santo Niño. Matapos matunton ang bahay ni Maynigo ay hinimok ng dalawang operatiba na “sumurender” at “makipagtulungan” sa kanila si Maynigo.
Noong Marso 2023, nakaranas ng parehong pagbabanta si Maynigo mula sa nga ahente ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU).
“Ang mga pag-atakeng ito ng estado ay hindi lamang paglabag sa karapatan ng mga kababaihang ito bagkus layuning maghasik ng takot sa mga komunidad na lumalaban sa hindi makatarungang mga patakaran at proyekto,” ayon sa Gabriela.