Pangkahalatang welga, idineklara ng CPI-Maoist sa Abril 25
Idineklara ng Communist Party of India-Maoist ang Abril 25 bilang araw ng bandh o pangkalahatang welga sa rehiyon ng Dandakaranya sa estado ng Chhattisgarh bilang pagkundena sa pagpapabaya ng reaksyunaryong estadong Indian na naging sanhi sa pagkamatay ni Kasamang Nirmala (alyas Narmada Didi). Namatay si Nirmala sa loob ng kulungan noong Abril 9 dahil hindi siya binigyan ng gamot at nararapat na atenyong medikal.
Si Nirmala, 62, ay aktibong myembro ng Dandakaranya Special Zonal Committee sa loob ng 42 taon. Isa siya sa mga babaeng haligi ng armadong paglaban ng mamamayang Indian.
Ayon kay Mangali, tagapagsalita ng Partido, nagkasakit si Nirmala noong 2018 kung kaya ipinagamot siya. Inaresto siya ng mga pulis noong 2019 habang nagpapagamot sa isang ospital sa Hyderabad. Sinampahan siya ng mahigit 100 gawa-gawang kaso.
Sa araw ng pangkalahatang welga, magsasara at titigil ang lahat ng aktibidad sa Dandakaranya.