Balita

Pangkulturang dyornal ng rebolusyonaryong kilusan sa Negros, inilathala

,

Inilathala ng National Democratic Front-Negros Island sa wikang Hiligaynon at Cebuano ang Ispading 2022, pangkulturang dyornal ng rebolusyonaryong mamamayan sa isla. Laman nito ang mga akdang pumapaksa sa pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan sa isla sa gitna ng pandemya at pinaigting na operasyong militar ng rehimeng US-Duterte.

Inilathala sa Ispading ang mga tungkulin at layunin ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon sa pagsusulong ng rebolusyonaryong sining at kultura sa loob ng mga larangang gerilya. Pinaksa ito sa editoryal na “Rebolusyonaryong Sining at Literatura sa Gitna ng Determinadong Pagsulong ng Armadong Pakikibaka.”

Kabilang sa inilabas na mga tula ang mga isinulat ni Prof. Jose Maria Sison, at ng mga martir na Pulang mandirigma at mga manunula na sina Kerima Tariman at Roger Felix Salditos.

“Ang ISPADING 2022, sa pamamagitan ng pag-iipon ng mga binalaybay, kuwento, kanta, liham at drowing ng mga kasama na masuring nagpapakita ng kahabag-habag na kalagayan at karanasan ng mga mamamayan na nagdusa sa malalang kahirapan lalo na ang masang magsasaka, mangagawa sa kanayunan at sa mga syudad na kumakatawan sa nakararaming mamamayan sa Negros,” ayon sa editoryal. Ang “binalaybay” ay salitang Hiligaynon para sa tula.

“Kaya, aming hinihiling, para makapagbigay ng insipirasyon ang ISPADING 2022 ng lakas at kalinawan sa mga isyu at pangyayari sa ating lipunan, gamitin itong materyal sa kultural na pagtatanghal, pag-aaral sa politika, pagsasanay sa literasiya, pulang-masa, at propaganda na ipaglulunsad sa mga hanay ng masa at kasama,” dagdag pa nito.

Sa mensahe ng Komite ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong ika-53 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), isa sa pitong partikular na mga tungkuling iniatang sa BHB para sumulong ang pagpapataas ng kulturang aktibidad sa hanay ng mga Pulang kumander at mandirigma.

Ayon sa Komite Sentral, “dapat nating itaas ang antas ng pangkulturang aktibidad sa loob ng BHB at gawaing kultura ng BHB sa hanay ng masa.”

Dagdag pa nito, “dapat turuan at hikayatin ang mga Pulang mandirigma at kumander ng BHB na ang kanilang mga karanasan, ang kaapihan at paghahangad ng masa, ang pagkapoot sa kaaway at ang rebolusyonaryong mga ideya ay ilahad sa iba’t ibang malikhaing porma na maaaring makatulong sa pagtataas at pagpapalakas sa rebolusyonaryong kalooban ng kanilang kapwa mandirigma at ng masa. Dapat nating masiglang itakwil ang pangkulturang impluwensya ng naghaharing sistema na lumalason sa mga utak ng kabataan.”

Makakakuha ng kopya ng ISPADING 2022 at iba pang mga pangkulturang dyornal ng rebolusyonaryong kilusan sa pambansa at antas ng mga rehiyon sa PRWC (https://philippinerevolution.nu).

AB: Pangkulturang dyornal ng rebolusyonaryong kilusan sa Negros, inilathala