Balita

Panibagong mga kaso ng pagpatay, pag-aresto at iba pang paglabag sa karapatang-tao, naitala sa Negros Occidental

Magkakasunod ang naitalang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa Negros Occidental na kinasasangkutan ng armadong pwersa ng estado sa nagdaang dalawang linggo. Kabilang dito ang mga kaso ng pagpatay, pag-aresto, pagransak sa mga bahay ng sibilyan at iba pa.

Pagpatay. Noong Nobyembre 3 ng gabi, binaril at pinatay ng hinihinalang mga pwersa ng estado ang babaeng magsasaka na si Joan Escuadro habang nasa kanyang bahay sa Barangay Linaon, Cauayan. Kinundena ng Human Rights Advocates Negros (HRAN) ang pagpatay sa biktima.

Pag-aresto. Noong Nobyembre 4, dinakip ng mga sundalo ng 94th IB ang katutubong si Anoy Pacheco habang papunta sa kanyang sakahan sa Sityo Tigbao, Barangay Buenavista, Himamaylan City. Si Pacheco ay anak ng isang “Kalanyan” o lider katutubo sa kanilang lugar na Tribu Magahat-Bukidnon. Nagpa-blotter na ang pamilya noon pang Nobyembre 7. Pero hanggang ngayon, hindi pa nila alam kung saan dinala ng 94th IB si Pacheco.

Pagransak. Noong Oktubre 28, sapilitang pinasok at niransak ng mga sundalo ang bahay ng magsasakang si Remy Villacanao. Kasunod nito ay sinugod at pinalibutan ng mga sundalo ang bahay ni Chona Martinez, asawa at kapatid ng mga biktima ng pampulitikang pagpaslang ng militar. Tinakot si Martinez at ipinailalim sa interogasyon ng mga sundalo. Residente ang mga biktima ng Sityo Cantupa, Barangay Buenavista.

Natroma ang isang menor de edad matapos ang pagransak ng 79th IB sa bahay ng pamilya Charita noong Oktubre 31 sa Sityo Bunacan, Barangay Salamanca, Toboso. Tinarget ng panggigipit ang pamilya dahil sa paglahok nila sa mga protesta laban sa korapsyon sa mga proyektong flood control at pagtataguyod sa tunay na reporma sa lupa.

Sapilitang pagpapasurender. Noong Oktubre 25, sapilitang pinasurender ng 94th IB ang mga sibilyang sina Epi Villacanao at Maita Flores sa Sityo Cantupa, Barangay Buenavista, Himamaylan City. Pinilit ang mga biktima na pumaloob sa batbat sa korapsyon na Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Pagnanakaw. Nagreklamo ang mga residente ng mga sityo ng Lomboy, Pitong, Candida at katabing mga sityo sa Barangay Biao, Binalbagan dahil sa pagnanakaw at pagpatay ng mga sundalo sa higit 30 kambing sa komunidad. Ayon sa mga residente, itinanggi ng mga berdugo na sila ang may kagagawan nito at ipinakalat na mga aswang ang gumawa ng pagpatay sa mga kambing. Lalo lamang itong ikinagalit ng mga residente.

AB: Panibagong mga kaso ng pagpatay, pag-aresto at iba pang paglabag sa karapatang-tao, naitala sa Negros Occidental