Panibagong tulak para sa importasyon ng asukal, hinarang
Binatikos ng National Federation of Sugar Workers ang pagpupumilit ng rehimeng Duterte na mag-import ng asukal sa darating mga buwan dahil tiyak pipinsala ito sa lokal na industriya ng asukal. Ang planong ito ang nilalaman ng Sugar Order No. 4 na nagsasaad ng kahandaan ng ahensya na mag-angkat ng 350,000 metrikong tonelada sa mga darating na buwan. Pinalitan nito ang Sugar Order No. 3 na naglaman ng katulad na planong mag-angkat ng 200,000 MT, pero pinatawan ng “temporary restraining order” ng isang korte sa Negros noong Pebrero.
Ang Sugar Order No. 4 ay nabunyag sa pagdinig sa Senado noong Abril 7.
Ayon sa NFSW, ang pag-import ng mas mataas pang bolyum ng asukal ay tiyak na wawasak sa industriya dahil ibaba nito ang pagbili ng asukal lalupa’t di pa tapos ang panahon ng gilingan (milling season). “Ibabangkrap nito ang maraming sugar planter, na karamihan ay maliitan,” ayon kay John Milton, secretary-general ng grupo sa isang pahayag noong Abril 8.
Hinamon ng mga sugar planter ang datos na inihapag ng SRA sa pagdinig sa Senado na nagsabing magkakaroon ng kasalatan ng asukal dahil sa tinataya nitong 12% na pagbaba ng produksyon ng tubo dulot ng La Niña. Pero batay sa datos rin ng SRA, bahagya lamang bumaba (0.43%) ang produksyon ng hilaw na asukal noong Marso 22 ngayong taon kumpara sa 2021. Tumaas pa ang produksyon ng refined sugar nang 22.19% sa parehong panahon.
“Parang naghahanap lang ng dahilan ang SRA para makapag-import ng asukal kahit di naman ito suportado ng datos,” ayon kay Milton.
“Hindi ang bentahan ng asukal sa mga tindahan ang ibinababa ng importasyon. Ang ibinababa nito ay ang sahod ng mga sugar workers na tumatanggap lamang ng ₱80-₱130 sa ngayon. Ibinababa nito ang kabuhayan ng maliliit na planter, na lunud na lunod na sa nakapamahal na mga input,” aniya.
Hanggang ngayon, patuloy na nagbibingi-bingian ang SRA at ang Department of Agriculture sa daing ng mga sugar planter na bigyan-subsidyo ang industriya ng asukal para makaagapay sa matataas na gastos sa produksyon. Ayon sa NFSW, tatlong ulit nang tumaas ang presyo ng abono at abot-langit na ang presyo ng langis — dalawang sangkap na esensyal sa produksyon at paggiling ng tubo.
Dagdag pa ni Milton, itinutulak ng pagbagsak ng bilihan ng asukal ang maliliit na prodyuser na paupahan o ipailalim sa sistemang aryendo ang kanilang mga lupa sa luma at bagong mga asendero sa isla. “Sa Negros lamang, 70% ng mga nabigyan ng gubyerno ng lupa o mga ARB (agrarian reform beneficiaries) ay napilitan nang ipaupa sa mga asendero at komersyante ang kanilang mga lupa dahil walang silang natatanggap na subsidyo mula sa gubyerno” para sa tuluy-tuloy na produksyon.
Nagbanta naman ang United Sugar Producers Federation (UNIFED), isang samahan ng mga asendero sa Negros, na ipakukulong si Hermenegildo Serafica, pinuno ng SRA, oras na pirmahan niya ang SO No. 4. Ang UNIFED ang nagsampa ng kaso at nanalo laban sa naunang kautusan noong Pebrero. Tulad ng NFSW, binatikos din ng grupo ang bagong kautusan dahil sa epekto nito sa presyo ng hilaw na asukal. Tinawag ng mga asendero ang kautusan na isang “midnight deal” dahil para lamang ito sa benepisyo ng isang partikular na grupo.
Halos kalahati ng aangkating asukal (150,000 MT) ay tinatawag na premium grade o bottler’s grade refined sugar. Nakalaan ito sa gamit ng industriya ng sugar-sweetened beverages tulad ng mga juice at softdrink. Pinakamalaking prodyuser ng naturang mga inumin ang San Miguel Corporation na pag-aari ng kroni ni Rodrigo Duterte na si Ramon Ang.