Balita

Panukalang pagbawalan ang mga di bakunadong pasahero, binatikos

,

Tinutulan kahapon ng mga drayber ng mga pampublikong sasakyan ang panukala ng Octa Research sa Department of Transportation (DOTr) na limitahan ang gamit ng pampublikong mga sasakyan sa mga nabakunahan nang mga indibidwal.

Ayon sa Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston), magreresulta lamang ang panukalang ito sa “diskriminasyon” sa pagitan ng mga nabakunahan na at ng hindi pa nababakunahang mga pasahero. Magreresulta rin ito sa “kaguluhan” lalupa’t walang kapasidad ang mga drayber na tiyakin kung nabakunahan na ang lahat ng mga pasahero dahil hindi lahat ay sumasakay sa mga terminal, ang iba ay pumapara sa gilid ng mga kalsada.

Anang grupo, lilikha lamang ng “matinding kumpetisyon (ang patakaran) sa hirap na hirap nang mga pasahero, gayong ang pampublikong transporatasyon ay dapat magsilbing porma ng pampublikong serbisyo.” Sa halip na ipatupad ang naturang restriksyon, hinamon ng grupo ang rehimen na pabilisin pa ang pagbabakuna sa mas malawak na bilang ng mamayan.

Ipinanukala ito ng Octa Research kasunod ng pagpayag ng DOTr panukalang unti-unting taasan ang kapasidad sa pampublikong transportasyon mula Nobyembre 4.

Sa kaugnay na balita, binawi na ng DOTr noong Biyernes ang utos nito sa mga tsuper at opereytor na maglagay ng mga plastic barrier (harang na gawa sa plastik) para ihiwalay ang mga pasahero sa pampublikong mga sasakyan matapos aminin na hindi ito suportado ng syensya. “[W]alang medikal na patunay na mapipigilan [nito] ang pagkalat ng Covid-19 batay sa aming pag-aaral. Sa halip, maaari pa itong kapitan ng bayrus,” pag-amin ng kagawaran.

Mahigit isang taon na ipinatupad ng DOTr ang palpak na patakarang ito mula nang manalasa ang pandemya sa bansa. Sa panahong umiiral pa ito, laganap ang pagsita sa mga drayber na hindi naglalagay ng mga plastic barrier. Pinagbabawalan na bumyahe ang mga dyip na wala nito, at sinisita at pinagmumulta ang mga hindi sumusunod dito. Dagdag na pahirap ito sa mga drayber lalupa’t pinagastos sila ng rehimen para sa isang walang katuturang patakaran sa panahong napakaliit ng kanilang kita dulot ng mga restriksyon sa pagbabyahe.

AB: Panukalang pagbawalan ang mga di bakunadong pasahero, binatikos