Balita

Papel ng ADB sa huwad na modernisasyon ng transportasyon, binatikos

,

Nagprotesta sa harap ng upisina ng Asian Development Bank (ADB) sa Ortigas Center sa Mandaluyong City ang kabataan, sa pangunguna ng League of Filipino Students, para batikusin ang papel nito sa huwad na modernisasyon sa transportasyon at pag-phase-out sa tradisyunal na mga dyip. Pasimuno ang ADB sa paninisi sa tradisyunal na mga dyip bilang pollutant, dahilan ng trapik, di episyente at nakasasama sa kalusugan ng mga komyuter. Itinutulak ng ADB ang pagpapatakbo ng “ligtas,” “malinis” at diumano’y abot-kaya na mga bus na buu-buong iaangkat mula sa Japan, US, Korea at kahit sa China.

Pinakamatingkad ang pakanang ito sa programang Bus Rapid Transit (BRT) na itinutulak ng ADB sa Davao. Tumataginting na $1 bilyon ang ipinautang nito sa lokal na gubyerno para palitan ang mga bus, dyip at traysikel na pumapasada sa syudad ng mahigit 1,000 bus na Euro-5 compliant at pinatatakbo ng elektrisidad na gawang-Japan at Korea. Sisimulan na ang “transpormasyon” ng buong sistema ng transportasyon ng Davao ngayong 2024. Ipinangangalandakan ng ADB at Japan ang BRT bilang programang magpapababa sa emisyong greenhouse gas (GHG) ng Pilipinas at pagpupwesto ng transportasyong “low carbon.” Ito rin ang pagdadahilang isinumite ng Office of the Solicitor General bilang sagot sa petisyon ng grupong Piston para ipatigil ang PUVMP sa buong bansa. Ayon sa OSG, ang pag-phase-out ng mga dyip ay bahagi ng “climate commitment” ng Pilipinas na pababain ang emisyong GHG nito.

Sa National Capital Region at iba pang bahagi ng bansa, kasunod ng pwersahang konsolidasyon ng mga prangkisa ang pwersahang pagpapabili sa mga drayber at opereytor ng napakamahal na mga minibus na gawang-Japan o Korea, o di kaya’y mga makinang pinatatakbo ng elektrisidad na gawang-US. Dahil walang sariling industriya ang Pilipinas sa paggawa ng buong mga sasakyan, o kahit ng mga makina at pyesa, kakailanganin nitong iangkat ang mahahalagang bahagi, kung hindi man ang buu-buong mga sasakyan.

“Gagawing negosyo at pagkakakitaan lamang ang mga driver at operator sa pagpapautang o official assistance ng ADB sa tabing ng PUVMP sa paglalako nito ng mga imported modern jeep na tuluyang magpe-phaseout sa tradisyunal na jeep at tatanggalan ng kabuhayan ang libu-libong tsuper at operators,” pahayag ni Elle Buntag, pangkalahatang kalihim ng grupo.

Sa ngayon, mayorya ng pumapasadang bus sa bansa ay imported mula sa Japan. Noong 2021, nag-import ang bansa ng mga bus na nagkakahalaga ng $206 milyon mula sa Japan, China ($21.7M), South Korea ($2.7M), Vietnam ($526,000), at United Arab Emirates ($45,300).

Minanupaktura rin sa Japan ang mga makina ng mga tradisyunal na dyip (kalakhan gawang-Isuzu, Mitsubishi at Toyota) na nais ngayong palitan ng naturang mga kumpanya ng “mas malinis” na minibus.

Malaking tambakan rin ng used vehicle o segunda mano at lumang modelong mga sasakyang Japanese ang Pilipinas.

“Sa pamamagitan ng ADB, naghanap ito ng atrasadong bayan na pwede nilang pagtambakan at pagbentahan ng mga nabanggit [uniform vehicles]. Dahil sa kawalan ng makamasa at aksesibol na pampublikong transportasyon, Pilipinas ang nahanap nilang malaking potential market para sa mga sobrang produkto nila,” dagdag pa niya.

Ang ADB ay multilateral na bangkong dominado ng estado at mga kapitalistang Japanese. Nagsisilbi itong katuwang ng World Bank sa rehiyon ng Asia sa pagtutulak ng mga imperyalistang patakaran.

AB: Papel ng ADB sa huwad na modernisasyon ng transportasyon, binatikos