Pastor na iligal na inaresto sa Zamboanga, nakalaya na
Ibinasura ng RTC Branch 11 of Sindangan, Zamboanga Del Norte noong Enero 26 ang gawa-gawang kaso laban kay Pastor Benjie Gomez, pastor ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP).
Noong Hunyo 6, 2021 inaresto si Gomez habang nagmimisa sa UCCP Mutia, Zamboanga del Nore ng mga pulis. Sinampahan siya ng gawa-gawang kaso ni 1Lt. Arlene Quijano Palafox ng 10th Infantry Battalion kaugnay sa pagkapatay kay Cpl. Marwin Ybañez sa naganap na engkwentro sa pagitan ng AFP at New People’s Army (NPA). Idinitine siya sa Leon Postigo Municipal Police Station.
Nauna na siyang inaresto noong Hulyo 2014, subalit ibinasura noong 2015 dahil sa kawalan ng ebidensya.
Tinarget si Gomez ng mga elemento ng AFP dahil sa kanyang pagtulong sa mga katutubong Lumad na Subanen. Ayon sa Karapatan, kasapi din siya ng grupong Dinteg, organisasyon na tumutuwang sa mga kasong ligal ng katutubo sa Cordillera.
Nagpasalamat ang pamilya ni Gomez at ang kanilang mga katrabaho sa simbahan sa lahat ng tumulong sa para siya mapalaya. Patuloy silang nananawagan para sa kaligtasan ni Pastor Benjie at kanyang pamilya na nananatiling nasa peligro dahil sa panggigipit ng estado.