Pastor na kontra-EDCA at Balikatan war games, naging target ng 'cyber-attack'

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Naalarma ang Karapatan-Cagayan Valley sa walang-tigil na cyber-attack laban sa pastor ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) na si Rev. Allan Manuel noong unang linggo ng Mayo. Iniulat ni Rev. Manuel na hindi niya mabuksan ang kanyang Facebook, Messenger at SMS text message at iba pang personal na mga akawnt. Nakatanggap din umano siya ng tawag mula sa hindi kilalang numero na itinuturong nagdulot ng biglaang pag-crash ng kanyang selpon.

Naniniwala ang Karapatan-Cagayan Valley na may kinalaman ang panggigipit na ito sa oposisyon ng pastor sa ika-39 na Balikatan war games sa bansa sa pagitan ng tropa ng US at Pilipinas. Itinuturo ng grupo bilang salarin ang militar ng US at Pilipinas na naglulunsad noon ng “capacity training” kaugnay ng “cyberdefense” sa pag-atake sa social media accounts ng pastor.

“Ang paggamit ng mga drone at iba pang abanteng teknolohiyang militar na ipinagkaloob ng militar ng US sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ay ginagamit din sa elektronikong pagmamanman sa mga aktibidad ng mga aktibista at organisasyong masa,” pahayag ng Karapatan-Cagayan Valley.

Idinidiin ng grupo na naging target ng ganitong pagmamanman at paglabag sa karapatan sa pribasiya si Rev. Manuel dahil sa kanyang pagtindig para sa karapatang-tao sa Cagayan Valley. Mahigpit din siyang nanindigan laban sa dagdag na mga base militar ng US sa Cagayan Valley sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement at umiigting na presensyang militar ng US sa rehiyon at sa bansa. Naging biktima rin siya ng Red-tagging ng National Task Force-Elcac simula pa 2018.

Noong Enero ngayong taon, binatikos naman ng pambansang tanggapan ng Karapatan ang pagbubuo ng AFP ng sariling “cyber security group” na anito ay gagamitin lamang laban sa mga progresibo at alternatibong midya sa bansa.

Ang mga progresibo at alternatibong midya tulad ng Bulatlat at Altermidya, at ang Karapatan, ay naging target ng mga cyber-attack simula pa 2018. Ang mga pag-atakeng ito ay kinatangian ng Distributed Denial of Service (DDOS) kung saan nilulunod ang kanilang mga website ng “fake traffic” para mabulunan ang website at hindi mabuksan ng iba. Sa naging mga pag-aaral sa mga cyber-attaks na ito, itinurong nagmula ang mga pag-atake sa IP address na nakatalaga sa Philippine Army.

Liban pa, arbitrayong ipinasara ng rehimeng Marcos noong Hunyo 2022 ang mga website ng mga organisasyong pinararatangan nitong may kaugnayan sa “komunista-teroristang mga grupo.” Kabilang dito ang maraming website ng progresibong mga organisasyon at independyenteng midya.

AB: Pastor na kontra-EDCA at Balikatan war games, naging target ng 'cyber-attack'