Pekeng pagpapasuko ng 30th IB sa Surigao City, kinamumuhian ng taumbaryo
Nagrereklamo ngayon ang mga residente ng Surigao City sa pagpapatipon ng 30th IB sa kanila para sa isang seminar para sa “pagbabalik-loob sa gubyerno.” Anang mga residente, hindi naman sila mga rebelde para “magbalik-loob” at isali sa seminar na inilunsad sa Barangay Mat-i, Surigao City noong Oktubre 3-5.
Ipinatawag ng militar ang may 79 sibilyan nang walang paliwanag o anumang makatarungang dahilan. Basta silang inutusan na dumalo sa patitipon, at binantaang gipitin kung hindi sila susunod.
Walang sabi-sabi na ipinaskil ang mga pangalan ng mga sibilyan sa Facebook kasama ang isang panawagan na dumalo sa aktibidad. Dahil sa takot na gantihan, hindi na nakapagreklamo ang mga residente. Karamihan ng mga nasa listahan ay magkakamag-anak na pawang pinararatangang may ugnayan sa Bagong Hukbong Bayan.
“Hindi na sila makapagkomento dahil sa takot mula pa nang patayin si Ignacio Arevalo [sa barangay],” ayon sa nakapanayam ng Ang Bayan. Si Arevalo ay pinaslang ng mga sundalo noong Nobyembre 25, 2020 sa Purok 13, Barangay Mat-I sa paratang na siya ay Pulang mandirigma ng BHB. Si Arevalo ay tagapangulo noon ng purok at pangulo ng Nagkahiusang Ginagmay nga Minero (NAGAMI).
Nagpapatuloy ang kampanya ng pagpapasuko ng 4th ID sa rehiyon ng Caraga sa kabila ng deklarasyong “insurgency-free” ang prubinsya noon pang Marso 15. Patunay ito ng kahungkagan ng kontra-insurhensyang programa ng rehimeng US-Marcos.