Permit para sa pagmimina sa South Cotabato, binawi
Ipinawalambisa ng upisina ng meyor ng Tampakan, South Cotabato noong Setyembre 13 ang permit na iginawad ng lokal na gubyerno sa Sagittarius Mines Inc. Ayon kay Mayor Leonard Escobilla, napag-alaman ng kanyang upisina na batbat ng panlilinlang at misrepresentasyon ang isinumite nitong paglalarawan sa operasyon ng mina.
Ani Escobilla, nakalagay sa aplikasyon nito na isa itong “mineral exploration manufacturer,” gayong ang totoo, isa itong “general engineering contractor.” Marami din itong ari-arian na hindi idineklara sa pamahalaan.
Inihain ang kautusan ng pagpapasara kasabay ng pagkandado ng lokal na gubyerno sa upisina ng kumpanya sa Barangay Liberty noong araw din na iyon.
Bago ito, kinasuhan ng lokal na gubyerno ang kumpanya sa di pagbabayad ng buwis na nagkakahalaga ng ₱397 milyon. Sa halip na bayaran, nagsampa ng kasong sibil ang SMI laban sa pamahalaan.
Ang desisyon ay pinuri ng mga lokal na aktibistang kontra-mina at ng simbahan na malaon nang tutol sa operasyon ng kumpanya. Anila, isa itong hakbang sa pagtitiyak ng malusog na ekolohiya para sa mga residente ng Tampakan. Gayundin, nagbibigay ito ng halimbawa sa ibang lokal na pamahalaan kung papaanong maaaring gamitin ang kapangyarihang maaari para itakda ang direksyon ng pag-unlad sa kani-kanilang lugar, habang ipinagtatanggol ang mamamayan at kapaligiran.
Matagal nang nilalaban ng mga residente dito ang operasyon ng SMI sa Tampakan Gold-Copper Project, ang sinasabing pinakamalaking minahan ng ginto sa buong Southeast Asia. Ilang buwan bago ang nagdaang eleksyon, ipinawalambisa ng konsehong pamprubinsya ang pagbabawal sa open-pit mining sa lugar. Hinarang ng gubernador ang naturang pagpapawalambisa matapos ang eleksyon, bagamat nagsabi siyang wala na siyang magagawa dahil ang permit ng SMI ay nanggaling sa pambansang gubyerno.
Pinatunayan ng pinakahuling hakbang ng meyor ng Tampakan na mayroon pa itong magagawa, kahit pansamantala.