Balita

Petisyon para sa proteksyon sa dinukot na aktibista sa Pangasinan, kinatigan ng Korte Suprema

Kinatigan ng Korte Suprema ang petisyon ng aktibistang si Francisco “Eco” Dangla III para sa Temporary Protection Order at Writ of amparo at habeas data. Pinagtibay ito ng korte sa isang desisyon noong Setyembre 9 na isinapubliko lamang kahapon, Oktubre 30. Si Dangla at kasama niyang si Joxelle “Jak” Tiong ay dinukot ng mga pwersa ng estado noong Marso 24 sa Barangay Polo, San Carlos City, Pangasinan.

Itinago ahente ng estado ang dalawang aktibista nang tatlong araw bago inilitaw noong Marso 27. Sa salaysay ng mga saksi, dinukot ang dalawa matapos harangin ng isang SUV ang traysikel na sinasakyan nila. Dalawa hanggang tatlong tao mula sa SUV at isa pang sakay ng isang motorsiklo ang nambugbog at nagsakay sa kanila sa sasakyan, anila. Narinig pa nila ang paghingi ni Tiong ng tulong.

Si Dangla, 39, ay dating estudyante ng University of the Philippines at kasalukuyang tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Pangasinan. Si Tiong, 29, na gradweyt ng Universidad de Dagupan ay koordineytor ng Kabataan Partylist sa prubinsya. Pareho silang tagapagtipon ng Pangasinan People’s Strike for the Environment, grupong naninindigan laban sa planong black sand mining at pagtatayo ng nuclear power plant sa prubinsya. Bago ang insidente, dumanas na sila ng walang tigil na Red-tagging, pagmamanman, intimidasyon at iba pang porma ng panggigipit.

Alinsunod sa temporaryong proteksyon, bawal na sila at kanilang kalapit na pamilya na lapitan ng lahat ng pinangalangan sa petisyon, at lahat ng mga entidad na maaari nitong pakilusin o utusan, nang hanggang isang kilometro.

Pinangalanan sa petisyon sina Philippine Army chief Lieutenant General Roy Galido, Philippine National Police (PNP) chief Police General Rommel Francisco Marbil, Brigadier General Gulliver Señires bilang kumander ng 702nd IBde, Ilocos Region police chief Police Brigadier General Lou Evangelista at Police Colonel Jeff Fanged bilang hepe ng pulis sa Pangasinan.

Kaugnay ng desisyon, inatasan ng Korte Suprema ang Court of Appeals na agad na magsagawa ng mga pagdinig at maglabas ng desisyon sa kaso sa loob ng 10 araw. Nasa kamay ng CA ang kapangyarihang magbigay ng pribilehiyo ng writ of amparo at habeas data kay Dangla. Ito rin ang magdedesisyon kung bibigyan ng permanenteng preoteksyon si Dangla mula sa mga pinangalanang pwersa ng estado.

Ang writ of amparo ay proteksyon sa mga indibidwal o grupong may banta sa buhay, kalayaan at kaligtasan mula sa militar, pulis at estado. Ang habeas data naman ay nag-oobliga sa mga ahensya ng estado na ilabas at sirain ang lahat ng dokumento o impormasyon na tinipon ng militar at pulis laban sa mga grupong ito.

AB: Petisyon para sa proteksyon sa dinukot na aktibista sa Pangasinan, kinatigan ng Korte Suprema