Balita

Philippine Mining Act, muling ipinanawagang ibasura

,

Naglunsad ng protesta ang Katribu, Kalikasan PNE at iba pang demokratikong grupo sa harap ng Department of Environment and Natural Resources ngayong araw, Marso 4, para ipanawagan ang pagbabasura sa Philippine Mining Act ng 1995. Sa 29 taong umiral ang batas na ito, naghatid ito ng walang kapantay na pinsala sa kalikasan at mga komunidad ng mga katutubo at magsasaka.

Ayon sa Katribu, walang idinulot na positibong epekto ang batas na ito para sa bansa at mamamayang Pilipino. Sa halip, pinadali nito ang pagsuko ng pambansang patrimonya sa mga dayuhang kumpanya. Anito, kahit ipinagbawal ang buong pag-aari ng dayuhan sa mga lupa at rekurso, binigyan naman ang mga ito ng karapatang mandambong nang minimun na 50 taon.

“Pinakapininsala ng mga kumpanyang mina ang mga komunidad ng katutubo at Moro, kung saan protektado at mayaman ang kalupaan,” ayon sa grupo. Ginamit ng reaksyunaryong estado ang mga ahensya nito, tulad ng National Commission on Indigenous Peoples para padulasin ang pagpasok ng mga kumpanya sa mga lupang ninuno. “Madalas itong may katambal na militarisasyon sa mga komunidad, na suportado ng NTF-Elcac at mga pwersang panseguridad ng estado,” anito.

Iginiit din ng mga grupo ang hustisya sa lahat ng mga namatay dahil sa mina at iba pang sakuna na idinudulot nito. Pinakahuli sa mga sakunang ito ang pagguho ng lupa sa Maco, Davao de Oro, na kumitil sa halos 100 manggagawa at residente sa lugar. Ang pagguho ay sanhi ng deka-dekada nang pagkalbo at pagmimina ng Apex Mining sa lugar.

Hindi dapat pinapayagan ang mga multinasyunal na kumpanya at rehimeng Marcos na iwasan lamang ang kanilang pananagutan sa pagdambong sa kalikasan, ayon sa Kalikasan PNE.

AB: Philippine Mining Act, muling ipinanawagang ibasura