Pinasinayaang Jalaur Dam ni Marcos, banta sa buhay at kabuhayan ng mga Ilonggo

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Binatikos ng Jalaur River for the People’s Movement (JRPM) ang pagbubukas ng Jalaur River Multipurpose Project-Stage II (JRMP-II) noong Hulyo 16 kung saan panauhing pandangal si Ferdinand Marcos Jr.

Tinawag ng JRPM ang dam bilang “nakaambang sakuna para sa mga Ilonggo” at pinasinungalingan ang pahayag ni Marcos na magiging kapakipakinabang ito sa isla. Pinalalabas ni Marcos na makabebenepisyo ang Panay sa serbisyong irigasyon, maiinom na tubig at lilikhaing kuryente ng dam.

“Malayo sa reyalidad” ang mga ipinagmayabang ni Marcos na benepisyo, ayon sa JRPM. Anito, ang target ng proyekto para sa irigasyon ay mga lupang tinamnan ng tubo, at hindi palay tulad ng sinabi ni Marcos. Putol at sira-sira ang mga linya ng irigasyon dito, na dapat kinumpuni muna para mapakinabangan ang dam.

Binatikos din ng grupo ang napakalaking ginastos na ₱20 bilyon para sa proyekto, gayong napakaliit naman ng pakinabang nito. Kumpara sa ibang plantang pang-enerhiya sa isla, napakamahal ng dam kumpara sa 11 pang hydroelectric na dam sa Antique at Aklan na nagkakahalaga lamang ng ₱11 bilyon. Ang windfarm na nasa Guimaras na nagpoprodyus ng 54 megawatss ay nagkakahalaga naman ng ₱7 bilyon. Sa gayon, di signipikante ang kayang likhain na 6.6 megawatss ng napakamahal na Jalaur Dam.

Imbes na benepisyo, sakuna at malawakang pagbaha ang nakikitang ihahatid ng dam. Inihalimbawa ng JRPM ang karanasan ng mamamayan sa palibot ng Moroboro Dam sa Dingle na nagdudulot ng baha sa mga bayan sa paligid nito. “Kapag nakasara ang floodgates nito, bumabaha sa Calinog, Passi, San Enrique, Duenas, at mga bahagi ng Dingle. Kapag nakabukas, ang ilang bahagi ng Dingle, Pototan, Barotac Nuevo, Dumangas, Zarraga, Leganes, at mga bahagi ng Iloilo City naman ang agad na binabaha.”

“Dapat rin nating alalahanin ang masaker sa siyam na lider Tumandok at ang pagkulong sa 16 iba pa, karamihan kababaihan,” ayon sa grupo. Tinutukoy nito ang tinaguriang Tumandok masaker na naganap noong Disyembre 30, 2020. Sa loob ng mahigit isang dekada, tinutulan ng mamamayang Tumandok ang Jalaur Dam dahil papatayin nito ang kanilang kabuhayan, aagawin ang kanilang lupang ninuno at yuyurakan ang kanilang mga karapatan.

“Hanggang ngayon, hindi pa nakakamit ng mga biktima at kanilang mga pamilya ang hustisya. Sa halip, nakaranas pa ng mga pambobomba, pwersahang pagpapasurender, harasment, at panggugulo ng kapayapaan ang kanilang mga komunidad.”

Nanawagan ang grupo sa publiko na maghanda para sa panganib na dala ng megadam, lalupa’t nakatuntong ito sa 10 kilometrong aktibong West Panay fault line. Mas mahalaga, hinimok nito ang mga Ilonggo na tutulan ang dam, agad na itigil ang konstruksyon nito (nasa 75% nang kumpleto sa kasalukuyan) at papanagutin ang estado, Armed Forces of the Philippines at ang mga nagpopondo rito sa mga krimen nito sa mamamayang Tumandok.

Ang Jalaur Dam II ay matatagpuan sa bayan ng Calinog, Iloilo. Tinawag itong pinakamalaking dam sa labas ng Luzon. Pinopondohan ang konstruksyon nito ng gubyerno ng Pilipinas, Economic Development Cooperation Fund ng Korea at ng Korean Export-Import (KEXIM) Bank.

AB: Pinasinayaang Jalaur Dam ni Marcos, banta sa buhay at kabuhayan ng mga Ilonggo