Pinirmahang kasunduan ng Pilipinas at Indonesia sa pagpapauwi kay Mary Jane Veloso, ikinagalak ng pamilya at mga migrante
Puno ng pag-asa at kasiyahan ang pamilya ni Mary Jane Veloso at Migrante International sa balita ng upisyal na kasunduan ng Pilipinas at Indonesia na makakauwi sa bansa si Veloso bago sumapit ang kapaskuhan. Inianunsyo ito ng mga upisyal ng gubyerno ng dalawang bansa noong Disyembre 6 kasunod ng balita noong Nobyembre na posibleng ilipat ang kustodiya ni Veloso.
“Sa wakas, mayroon nang kumpirmasyon na talagang sasalubungin natin si Mary Jane sa bansa sa madaling panahon at masasaksihan niya ang nag-uumapaw na suporta mula sa lahat ng mamamayan, organisasyon at grupo na nagkampanya para iligtas ang kanyang buhay simula pa 2015,” pahayag ng Migrante International. Nagpasalamat ang grupo sa lahat ng naging bahagi ng pandaigdigang kampanya para iligtas si Veloso.
Si Veloso ay nakakulong sa Indonesia mula pa noong 2010 dahil sa kasong drug trafficking. Malaon nang napatunayan na siya ay biktima lamang din ng human at drug trafficking ng kanyang rekruter. Noong 2015, nailigtas sa parusang pagbitay si Veloso dulot ng paggigiit ng mamamayang Pilipino. Nananatili siyang nakapiit sa Jakarta, Indonesia sa kabila ng pag-usig sa mga iligal na rekruter niya at matagal nang panawagang palayain siya.
Kasabay ng balitang pagbalik ni Veloso sa Pilipinas, muling ipinanawagan ng kanyang pamilya at ng Migrante International sa rehimeng Marcos na bigyan si Mary Jane ng clemency para tuluyan nang makapiling ang kanyang pamilya. Hinimok rin ng grupo ang mga upisyal ni Marcos na tiyakin ang koordinasyon at komunikasyon sa pamilya para makasubaybay sa takbo ng paglilipat sa kustodiya ni Mary Jane mula Indonesia.
Samantala, nagpapatuloy ang kampanya ng Migrante International at mga grupo ng taong-simbahan para sa isang petisyon na nagggiit kay Marcos na bigyan ng clemency si Veloso. Sinusuportahan ng National Union of People’s Lawyers, organisasyon ng abugado ni Veloso, ang naturang petisyon.
Liband ito, titiyakin rin ng mga grupo ang testimonya ni Veloso laban sa mga iligal na nagrekrut at nag-traffick sa kanya papunta sa Indonesia para mapanagot ang mga ito. Naniniwala silang magsisilbing mitsa ng pag-asa ang pag-uwi ni Mary Jane para sa maraming mga migranteng Pilipino sa buong mundo laluna para sa mga isinantabi at pinabayaan ng gubyerno, mga iligal na nakakulong at kumahaharap sa inhustisya.