Piston: Walang kinalaman sa "climate commitment" ng bansa ang pwersahang konsolidasyon ng prangkisa ng mga dyip
Pinuna ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) ang sagot ng Office of the Solicitor General sa petisyon ng mga drayber at opereytor ng dyip na nakasampa sa Korte Suprema laban sa pwersahang konsolidasyon ng mga prangkisa na labag sa prinsipyo ng malayang pag-organisa. Sa sagot ng OSG, na siyang kumakatawan sa DOTr at LTFRB sa kaso, layunin diumano ng PUV modernization program (PUVMP) ang pagtupad sa mga pangako ng bansa na bawasan ang mga greenhouse gas (GHG) emissions o maduming usok na ibinubuga ng bansa.
Tanong ng Piston, ano naman ang kinalaman ng mandatory franchise consolidation ng PUVMP sa dedlayn sa pag-abot ng “climate commitment” ng Pilipinas o mga hakbangin pinangako ng bansa?
“Ang pagpupumilit ng DOTr at LTFRB sa franchise consolidation, na kalaunan ay magreresulta sa pagkamkam ng malalaking negosyanteng kooperatiba at korporasyon na may kakayahang bumili ng hindi bababa sa 15 minibus bawat ruta, ay walang kinalaman sa anumang mga pagtugon sa klima,” pahayag ng grupo ng mga tsuper at opereytor.
“Magreresulta lamang ito sa matinding pagkawala ng hanapbuhay ng mga tsuper at maliliit na operator at sa tahasang pang-aagaw ng mga malalaking korporasyon sa kontrol ng ating pampublikong transportasyon.”
Binanggit ng Piston na inirekomenda mismo ng UN special rapporteur for climate change na si Ian Fry na bumuo ang estado ng patakaran para sa makatarungang transisyon sa transportasyon para maprotektahan ang karapatan ng mga manggagawa sa disenteng trabaho. Paulit-ulit nang idinidiin ng Piston at ng grupong MANIBELA na papatayin ng PUVMP at pwersahang konsolidasyon ang hanapbuhay ng maliliit na tsuper at opereytor.
“Hindi kailangan ang franchise consolidation para mapabuti ang public transportation system,” giit ng Piston. “Maaari nating ayusin at paunlarin ang kalunos-lunos na lagay ng public transport sa bansa nang hindi nilalabag ang karapatan ng mga tsuper at maliliit na operator sa disenteng trabaho.”
“Ang tugon ng OSG at ang pagtatangka ng mga maka-PUVMP na harangan ang ating petisyon sa Korte Suprema ay nagbubunyag lang ng tunay na layunin ng rehimeng Marcos sa pagtulak nito sa PUVMP,” ayon sa Piston.
Liban sa pagbibigay-daan sa pang-aagaw ng malalaking burgesya sa kanilang kabuhayan, batid rin ng mga tsuper at opereytor na bibigyan-daan ng PUVMP ang pagtatambak ng sarplas na mga sasakyang minibus, makina, pyesa at iba pang produkto mula sa US, Japan, Korea at maging sa China. Tulad ng OSG, bukambibig rin ng mga bansang ito, partikular ng Japan, ang pag-apula sa climate change sa pamamagitan ng paglalatag ng transportasyong “low carbon.”
Kung usapin lamang ng “climate commitments,” malayong-malayo ang usapin ng ibinubugang greenhouse gas ng mga tradisyunal na dyip sa pangunahing mga salarin nito sa bansa. Sa ulat ng Climate Action Tracker noong Hunyo 2023, ang pangunahing nagpapataas ng emisyong GHG sa Pilipinas ay ang sektor ng enerhiya, na nakaasa pangunahin sa plantang pinatatakbo ng karbon (coal).
Gayundin, imbes na bawasan ng estado ang pangkalahatang pagsalalay ng bansa sa fossil gas, pinayagan pa nito ang malalaking burgesya na magtayo ng dagdag na pitong LNG (liquid natural gas) terminal para imbakan ng imported na LNG mula sa US, na numero unong nagluluwas ng LNG sa buong mundo. Tatlo rito ay gumana simula 2023.
Nag-aambag ang Pilipinas ng 0.48% sa emisyong GHG sa buong mundo. Sa kabilang panig, 2.6% ng pandaigdigang GHG ang nanggagaling sa Japan at 14% sa US.