Planong pagpapalayas sa mga residente sa isang barangay sa Bataan, nilalabanan
Tutol ang mga residente ng Barangay Sisiman, Mariveles, Bataan sa nakatakdang pagpapalayas ng Bataan Baseco Joint Venture Inc. (BBJVI) sa kanila mula sa komunidad sa darating na 2025. Itinutulak ito ng BBJVI para sa planong pagtatayo ng commercial-industrial zone sa naturang komunidad.
Sa ulat ng Nagkakaisang Manggagawa ng Freeport Area of Bataan (NMFAB), nakipag-usap na noong unang linggo ng Enero ang BBJVI sa Sangguniang Barangay na pinamumunuan ni Kapitan Mario Magadan kung saan inihapag ang “master plan” nito para sa itatayong sona. Dagdag pa, nabili na umano ng BBJVI ang hindi bababa sa 271 ektarya lupain ng Barangay Sisiman at nakatakdang sakupin ang erya na ito. Pangunahing maapektuhan nito ang mga residente na naninirahan sa sentrong barangay.
Alinsunod sa nasabing plano, ililipat ang mga taga-Sisiman sa 7.1 ektaryang lupain na nasa paligid lamang din ng barangay. Magtatayo umano ng 6,000 yunit ng pabahay na “ready-to-own” sa loob ng 30 taon para sa mga residente.
Labis ang pangamba ng mga apektadong residente sa naturang plano ng BBJVI. Giit nila, pawang matagal na silang naninirahan sa lugar at hindi pwedeng basta lamang palayasin sa kanilang barangay. Nagtataka rin ang mga residente, sa biglang pagsulpot ng isang kumpanyang umaangkin ng lupa. Karamihan sa kanila, na manggagawa at mangingisda, ay matagal nang naninirahan sa lugar.
Ipinabatid ng NMFAB ang kanilang pakikiisa sa laban at panawagan ng mga residente ng Barangay Sisiman. “Ipinaabot ng aming samahan ang aming lubos na pagsuporta sa pagtutol ng taumbaryo sa naturang proyekto ng BBJVI. Hindi tayo mga hayop na kayang itaboy sa sarili nating tahanan. Ang Sisiman ang inyong tahanan, ang Sisiman ang inyong kinabukasan.”
Anila, dapat na magkaisa ang lahat ng mamamayan para igiit ang kanilang karapatan sa paninirahan. Hindi dapat umano pahintulutan na sa ngalan ng “negosyo” at “kapital” ay gagambalain ang kanilang buhay at kinabukasan. Idiniin ng grupo na ang kaso ng Sisiman ay hindi nahihiwalay sa laban ng mamamayan ng Mariveles sa laban nito sa isang ligtas, disente at libreng paninirahan na kapwa biktima ng mga pagpapalayas dahil sa pagtatayo ng mga negosyo at makadayuhang proyekto ng pamahalaan.
Nakatira sa Barangay Sisiman ang 2,700 pamilya o 6,000 katao. Isa ito sa mga barangay na apektado ng tuluy-tuloy na pagpapalayas at demolisyon sa bayan ng Mariveles dulot ng pribatisasyon at FAB Expansion Law. Marami sa kanila ang pinagbawalan nang makapagkumpuni ng mga bahay at pinagkakaitan ng maayos na serbisyo ng tubig at kuryente bilang taktika ng pagtataboy.