Planong pagtakbo sa senado ng mga Duterte, sinupalpal

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kinundena ng kilalang kritiko ng mga Duterte na si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang plano ng mga Duterte na pagtakbo sa senado sa eleksyong mid-term sa 2025. Ayon sa mambabatas, panibagong pakana na naman ito ng mga Duterte para palawakin ang kanilang kapangyarihan at panatilihin ang kanilang dinastiyang pampulitika sa bansa.

Sa isang panayam kay Sara Duterte, sinabi niyang tatakbong senador sa 2025 ang kanyang mga kapatid na sina Sebastian, kasalukuyang meyor ng Davao City, at Paolo, kasalukuyang kongresista, at kanilang tatay na si Rodrigo, dating pangulo. Nagbabalak din umanong tumakbo sa pagkapangulo si Sebastian sa 2028.

“Sukdulan ito ng burukrata-kapitalismo, kung saan gusto ng isang pamilya na kontrolin ang bawat aspeto ng pulitika ng bansa. Ginagawang negosyo ang pagtakbo sa pusisyon sa gubyerno di lang para mangurakot pero para pagtakpan din ang mga kasalanan nila sa mamamayan,” ayon kay Rep. Castro. Aniya, ganito rin ang kalakaran ng pamilyang Marcos.

Sa nagdaang mga buwan, lantad na lantad ang pananagutan ni Rodrigo Duterte sa patakaran ng ekstra-hudisyal na pagpaslang sa ilalim ng kanyang gera kontra droga. Ang mga kaso kaugnay dito ay isinampa sa International Criminal Court. Samantala, nasasangkot din siya sa malalaking kaso ng korapsyon noong panahon ng pandemyang Covid-19.

Ayon kay Castro, ang plano ng mga Duterte ay naglalantad sa umiigting na tunggalian sa dalawang paksyon ng naghaharing mga uri. “Sa sinabing ito ni VP Duterte, makikita na magiging all out na ang bakbakan sa pagitan ng dalawang paksyon ng naghaharing uri,” aniya.

Nanawagan si Rep. Castro sa mga kapwa Pilipino na maging mapagbantay sa ganitong pakana ng mga Duterte at labanan ang tangka ng mga dinastiyang pampulitika na kopohin ang kapangyarihan at iluklok ang kanilang paghahari sa kapinsalaan ng tunay na demokrasya at interes ng mamamayan.

AB: Planong pagtakbo sa senado ng mga Duterte, sinupalpal