Presensya ng Typhon MRC missile system ng US sa Ilocos Norte, pinaiimbestigahan ng GWP

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Naghapag ng resolusyon sa Mababang Kapulungan si Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party noong Hulyo 9 para imbestigahan ng Kamara ang presensya ng Typhon Mid-range Capability (MRC) missile system sa Ilocos Norte at ang implikasyon nito sa pambansang soberanya at panrehiyong seguridad sa Asia. Unang itinago ang lokasyon ng naturang opensibong armas bago ito nabunyag na nakapusisyon sa sibilyang paliparan ng Laoag sa Ilocos Norte, isang rehiyong walang nakapwestong “EDCA site.”

Ginamit ang naturang missile system sa mga war games ng US sa Pilipinas mula pa noong Abril. Ang pagdeploy ng missile system na ito at ang mga war games kung saan ito ginamit ay pawang mga maniobra para udyukin ang China. Pinalalalim nito ang pagkakasangkot ng Pilipinas sa girian ng dalawang imperyalistang kapangyarihan.

May kapasidad ang Typhom MRC na magpakawala ng Tomahawk at SM-6 na mga misayl na may kakayahang lumipad nang hanggang 1,000 kilometro. Nagmanupaktura ang US ng gayong armas simula lamang 2019, matapos inatrasan nito ang Intermediate-Range Nuclear Forces (INF) Treaty, isang tratadong nukleyar sa pagitan ng US at noo’y USSR na pinirmahan noong panahon ng Cold War.

Ang presensya ng Typhon MRC sa Pilipinas ay ikinababahala ng maraming bansa at nagbubunga ng dagdag na tensyon sa rehiyon ng Asia. Tinawag ng China ang pagpwesto nito sa hilagang bahagi ng Pilipinas bilang “probokasyon” at nagbabala na pinatataas nito ang risgo ng mga “misjudgment at miscalculation” (magkamali sa tantya o kalkulasyon) sa rehiyon.

Gayundin, ginamit itong dahilan ni Pres. Vladimir Putin ng Russia para muling magprodyus ng intermediate at shorter-range na mga nuclear-capable na mga misayl.

Sa gayon, inilalagay nito sa alanganin ang katayuang nyutral ng Pilipinas sa mga internasyunal na sigalot, ayon sa resolusyon.

AB: Presensya ng Typhon MRC missile system ng US sa Ilocos Norte, pinaiimbestigahan ng GWP