Presyo ng asukal, tumaas sa gitna ng importasyon
Hindi bumaba kundi tumaas pa ang presyo ng asukal matapos dumagsa ang imported na asukal sa bansa. Sumirit ang presyo nito tungong ₱136 kada kilo sa ilang mga tindahan nitong nakaraang mga linggo, ayon sa ulat kamakailan ng Sugar Regulatory Administration (SRA).
Sa tala ng SRA, ang presyong tingi ng repinadong asukal sa mga grocery sa Metro Manila ay umaabot ng ₱90.95 hanggang ₱136 kada kilo, habang sa mga palengke ay nasa ₱88 hanggang ₱110 kada kilo. Samantala ang washed sugar naman sa mga grocery ay mula ₱85 hanggang ₱120 kada kilo at ₱85 hanggang ₱95 kada kilo sa mga palengke.
Tumambak sa Pilipinas ang 181,500 metriko toneladang repinadong asukal na bahagi ng 440,000 metriko toneladang asukal na iimport ng bansa, matapos ilabas ang kwesyunableng Sugar Order No. 6 noong Pebrero.
Ayon sa National Federation of Sugar Workers (NFSW), ang napakataas na presyong tingi ng asukal sa kabila ng pagbaha ng import ay “muling nagpapatunay na ang importasyon ay hindi ang sagot para ibaba ang presyo ng batayang mga bilihin.”
Kikbak sa importasyon
Umalma si NFSW Chairperson John Milton “Ka Butch” Lozande sa pagpapaliban ng imbestigasyon sa Senado sa ismagling ng asukal sa bansa na tinatayang kinasasangkutan mismo ng matataas na upisyal gubyerno.
“Habang nagpapatumpik-tumpik ang pamahalaan sa pag-imbestiga kay (Agriculture Senior Undersecretary Domingo) Panganiban, humahakot ng kita ang mga trader na pinaboran nito, samantalang nalalagasan ang mga plantador at manggagawang agrikultural,” dismayadong pahayag ni Lozande. Si Panganiban ang nagpahintulot na mag-import ng asukal sa tatlong kwestyunableng kumpanya.
Aniya, lubhang nagdurusa na ang mga manggagawang bukid, tapasero at maliliit na plantador dito. Sa Negros, aniya, ang abereyds na kinikita ng isang mangagawa sa tubuhan ay ₱300 lamang kada araw, lubhang mababa pa sa minimim na sahod na dapat tinatanggap sa rehiyon.
Naapektuhan din ng importasyon ang operasyon at kalaunan ay pagsasara ng Central Azucarera Don Pedro, Inc (CADPI) sa Batangas na nagresulta sa pagkawala ng kabuhayan ng 125 manggagawa sa ilohan, 12,000 manggagawang bukid at 9,000 plantador.
Pagtataka ni Lozande, nagkakaroon ng maraming palit-palitan ng pwesto sa SRA sa kasagsagan ng pagtakbo ng imbestigasyon kabilang na ang pagtatalaga noong nakaraan kay Panganiban bilang officer in charge ng ahensya.
“Nakapagbulsa ba siya ng mga kikbak mula sa import, at ngayon ay umiiwas sa imbestigasyon?” pagkwestyon pa niya.