Presyo ng bigas, dudang bababa sa kabila ng kaltas-taripa

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Mataas pa rin ang presyo ng bigas sa merkado ngayong buwan sa kabila ng pangako ni Ferdinand Marcos Jr na bababa ito bawasan nang 20% (mula 35% tungong 15%) ang taripang nakapataw sa imported na bigas. Ipinagyabang ng mga upisyal ng rehimeng Marcos na ngayong Hulyo ay maaaring mabawasan nang hanggang ₱9/kilo (malao’y ibinaba sa ₱5/kilo) dahil sa ginawang kaltas-taripa.

Pinirmahan ni Ferdinand Marcos Jr ang Executive Order No. 62 noong unang linggo ng Hunyo na nagpababa sa mga taripa di lamang sa bigas, kundi pati sa karne at iba pang imported na pagkain. May bisa ang kautusan hanggang 2028.

Walang mekanismo ang estado para kontrolin ang pagpepresyo ng bigas. Sa aktwal, kontrolado ng mga pribadong importer ang pagpepresyo sa merkado, kaya kahit nabili nila ang imported na bigas sa mababang presyo, ibebenta pa rin nila ito sa mas mataas na presyo. Dati nang mataas ang presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado dahil sa “manipis” na suplay dulot ng El Nino. Ang malala, naging salik pa ang EO 62 ni Marcos dahil itinaas na ng Vietnam at iba pang bansang eksporter ang presyo ng kani-kanilang bigas matapos isapubliko ang kautusan.

“Ang pinababang taripa ay hindi solusyon sa problema ng mataas na presyo ng bigas at pagkain,” ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa isang pahayag noong Hunyo 22. “Sa halip, ito ay lalo pang magpapahirap sa mga lokal na magsasaka na patuloy nang naaapektuhan ng rice liberalization at El Niño. Ang mga importer at malalaking negosyante lamang ang makikinabang dito habang patuloy na naghihirap ang maliliit na magsasaka.”

“Ang pagtatanggal ng proteksyong ito ay magpapahirap sa maliliit na tagaprodyus ng palay,” ayon naman sa Ibon Foundation. Tinatayang tataas tungong 4.6 milyong metriko tonelada ang iaangkat ng Pilipinas ngayong taon, mas mataas sa naunang target na 4.1 milyong MT.

AB: Presyo ng bigas, dudang bababa sa kabila ng kaltas-taripa