Balita

Presyo ng bilihan ng palay, lalupang bababa sa Marso dulot ng importasyon

,

Salot sa mahigit dalawang milyong magsasaka sa mga palayan sa nakaraang tatlong taon ang Rice Tariffication Law o RTL. Ito ang pahayag ng mga magsasaka sa ilalim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa kanilang rali sa harap ng upisina ng Department of Agriculture sa Quezon City noong Pebrero 14, anibersaryo ng pagkakapasa ng RTL.

Ayon sa mga magsasaka, hindi na sila makaagapay sa tuluy-tuloy na tumataas na gastos sa produksyon habang pababa nang pababa na presyo ng bilihan ng palay. Noong nakaraang taon, sa taya ng Philippine Statistics Authority, ang abereyds na bilihan ng palay ay ₱60,000 o ₱16 kada kilo. Ito ay habang nasa ₱16.65 kada kilo lamang ang bilihan ng palay noong Disyembre 2021, mas mababa nang 9.5% kumpara sa presyo nito na ₱18.39 kada kilo noong Oktubre-Disyembre 2020. Halos wala nang natitira sa mga magsasaka lalupa’t marami sa kanila ay baon sa utang. Kailangan nilang muling mangutang para makabili ng binhi, pestisidyo at pataba para sa susunod na siklo ng taniman.

“Matapos ang tatlong taon, klarong hungkag ang pangako ng Rice Liberalization Law na ibababa nito ang presyo ng bigas,” ani Marco Valbuena, Chief Information Officer ng Partido Komunista ng Pilipinas. “Ang bumagsak ay ang kabuhayan ng masang magsasaka dahil sa pagbaha ng imported na bigas.”

Babagsak pa ang presyo ng bilihan ng palay nang minimum na ₱1 kada kilo sa mga buwan ng tag-init (Marso-Mayo), ayon sa Federation of Free Farmers. Ito ay dahil sa tuluy-tuloy na pagdagsa ng milyun-milyong toneladang imported na murang bigas hanggang sa panahon ng anihan.

Ayon sa estadistika ng gubyerno, tumaas ang ani ng palay noong Oktubre hanggang Disyembre 2021. Ayon sa FFF, ang masaganang ani, kakumbina ng walang sagkang pag-import ng bulto-bultong suplay sa buong taon, ay nagbunga sa sobrang suplay ng bigas pagpasok ng 2022. Sa kabila nito, tuluy-tuloy pa rin ang pag-import ng estado ng bigas.

Taliwas sa mga pangako ng rehimeng Duterte, dumagsa ang imported na bigas kahit sa panahon ng anihan. Ayon sa FFF, 40% o 1.2 milyong tonelada sa 2.98 milyon, ang pumasok sa bansa sa mga buwan ng anihan noong Oktubre, Nobyembre at Disyembre 2021. Hinila nito pababa ang presyo ng bilihan ng lokal na palay.

“Walang silbi ang masaganang ani kung ang presyo ng bilihan ay napakababa,” ayon pa sa FFF. “Lugi pa rin ang magsasaka.”

Ayon naman sa Ibon Foundation, bumagsak nang 38% o mahigit sangkatlo ang kita ng mga magsasaka mula ipatupad ang RTL noong 2019. Mas malaki ang abereyds na lugi nila sa panahon ng tag-ulan (47%) kumpara sa tag-init (32%). Ang netong kita ng magsasaka noong 2019 ay nasa ₱21,324 (₱236.93 kada araw sa 90-araw na siklo ng pagtanim). Mas mababa ito kumpara sa ₱34,111 netong kita o ₱379.01 kada araw noong 2018. Sa abereyds, nawalan ng ₱142.08 na kita kada araw ang magsasaka — malayong mas malaki sa ₱4.65 na sinasabing maiimpok ng kanyang pamilya mula sa pagbili ng mas mura na imported na bigas.

Sa unang taon ng RTL, bumagsak tungong ₱10-₱15 kada kilo ang presyo ng bilihan ng palay, ayon sa pananaliksik ng Bantay Bigas. Pinakamatatarik ang pagbagsak ng presyo (₱10-₱14) sa mga kinikilalang “rice bowl” ng bansa — Nueva Ecija, Tarlac, Bulacan, Pangasinan, Isabela, Ilocos Sur, Mindoro, Bicol, Negros Occidental, Capiz, at Antique. Sa Agusan del Sur, Davao de Oro, Davao del Norte, South Cotabato, North Cotabato, Lanao del Norte, at Caraga, nasa ₱11-₱15 ang presyo ng bilihan. Tuluy-tuloy ang pagbagsak sa apat na magkakasunod na anihan.

Matagal nang panawagan ng mga grupong magsasaka na isubsidyo ng estado ang presyo ng bilihan ng lokal na palay nang ₱20 hanggang ₱22 kada kilo.

AB: Presyo ng bilihan ng palay, lalupang bababa sa Marso dulot ng importasyon