Protesta, isinabay sa pagdinig ng Kongreso sa panukalang dagdag-sahod
Tinangkang buwagin ng mga pulis sa Quezon City ang protesta ng mga manggagawa, sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno, sa harap ng Kongreso kahapon, Pebrero 28. Pinagpupupukpok at pinagtulakan ng mga pulis ang mga nagpoprotestang manggagawa. Isang raliyista ang tinangka nilang dukutin. Pinangalanan ng KMU si Ptl.Col. Jerry Castillo, hepe ng QCPD, bilang pasimuno ng pandarahas.
Itinaon ng mga manggagawa ang pagkilos sa unang araw ng pagdinig ng Kongreso sa panukalang across-the-board na dagdag sahod. Di bababa sa anim na panukala ang nakahain ngayon sa Kongreso, na may mga mungkahing pagtaas mula ₱150 hanggang ₱750 na pambansang minimum. May nagpapalutang naman na maghahain ng bagong panukala ng dagdag ₱350 kada araw. Ang pagdinig ay tugon sa panukalang ₱100 across-the-board na dagdag-sahod na pinagtibay sa Senado noong Pebrero 19.
Sa pagdining sa loob ng Kamara, hinarap ng mga grupo ng paggawa ang mga kinatawan ng mga kapitalista, kabilang ang mga upisyal ng Confederation of Wearables Exporters of the Philippines (Conwep), grupo ng mga kapitalistang nagmamanupaktura ng kasuotan para sa eksport. (Ang pinakamalalaking operasyon nito, at sa gayon ang nag-eempleyo ng pinakamaraming manggagawa, nasa loob ng mga export processing zone at buong pagmamay-ari ng mga dayuhang kapitalista.)
Noong Pebrero 2023, tinaya ng Foreign Buyers Association of the Philippines na tataas nang 50% ang halaga na ieeksport ng industriya sa kabuuan ng 2023, kumpara sa 2022. Pangunahin ito sa pagpasok ng bagong mga order tulad ng $6.48 milyong kontrata ng Nichiun Co. Ltd ng Konoike Group ng Japan. Para sa 2024, bahagya pero patuloy na lalago ang industriya nang 2%, ayon sa grupo.
Tulad ng inaasahan, kinontra ng Conwep ang pagtaas ng kahit katiting ng sahod dahil magreresulta umano ito sa malawakang tanggalan. Ipinangtakot nito ang posibleng pagkawala ng hanggang 21,000 trabaho kung itataas ang sahod sa harap ng ibinalita nitong “optimistikong hinaharap” (optimistic prospects) ng industriya.
Sa kabilang panig, pinabulaanan ng Ibon Foundation ang palusot ng malalaking kumpanya, tulad ng mga nakapaloob sa Conwep, na magkakaroon ng malawakang tanggalan kung itataas ang sahod. Sa datos mismo ng estado noong 2021, 10.6% lamang ang bahagi ng sahod sa kabuuang gastusin (expenses) ng mga kapitalista sa Pilipinas.
Samantala, 28% ang inilaki ng netong kita ng mga kumpanya tungong ₱2.5 trilyon sa pagitan ng 2020 at 2021. Mas nakangangalit ang 104% na paglobo ng netong kita ng 1,000 pinakamalalaking kumpanya sa Pilipinas sa parehong panahon. Sa kabila nito, pinakamalaki na ang ₱40 na itinaas sa sahod ng mga manggagawa noong 2023, at mas mababa pa sa naunang mga taon. Noong 2020, ginamit pa ng mga ito ang pandemya para bawasan ang sahod ng mga manggagawa o di kaya’y humingi ng moratoryum para ipagpaliban ang nakatakdang mga dagdag-sahod sa antas-pabrika.
Liban sa dagdag-sahod, natalakay rin sa pagdinig ang pangangailangang bigyan ng estado ng subsidyo ang micro at maliliit na negosyo, na sadyang hindi saklaw ng mga kautusan ng mga rehiyunal na wage board o ng anumang ipapasang batas sa dagdag-sahod. Inilinaw sa pagdinig na umiiral na ang mga batas at programa para makaagapay ang gayong mga empresa, at na ang target ng dagdag-sahod ay malalaking kumpanya na nag-eempleyo ng higit kalahati ng sahurang mga manggagawa.