Protesta kontra-VFA, inilunsad sa Cebu City

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagprotesta ang mga demokratikong organisasyon sa Cebu City noong Mayo 27 para muling ipanawagan ang pagbabasura sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at imperyalistang US. Kasabay ito ng ika-25 taong anibersaryo mula nang ratipikahan ng Senado sa ilalim ng rehimeng Estrada ang naturang kasunduan noong Mayo 27, 1999. Pinangunahan ang pagkilos ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Central Visayas.

Ipinasa ang VFA ilang taon matapos mawalan ng bisa at hindi pinalawig ng Senado ang Military Bases Agreement noong 1991. Sa pamamagitan ng VFA, nagkaroon ng karapatan ang US na pumasok sa anumang bahagi ng kalupaan, karagatan at kahanginan ng Pilipinas. Itinransporma nito ang bansa tungo sa isang malaking base militar.

Instrumento ang VFA sa pagyurak ng US sa soberanya ng Pilipinas dahil sa pinahihintulutan nito na gamitin ang Pilipinas bilang base ng isang dayuhang pwersa. Sa ilalim ng VFA, napanatili ng US ang permanenteng presensya ng daan-daang mga tropa nito sa iba’t ibang panig ng bansa at mga palibot nitong karagatan, na nanghihimasok sa mga panloob na usapin ng bansa.

“Sa 25 taong pag-iral nito, naglunsad ng tuluy-tuloy na paglaban ang Bayan at iba pang mga progresibong grupo,” pahayag ni Renato Reyes Jr, pambansang pangulo ng Bayan. Kasama din dito ang panawagan nilang ibasura ang hindi pantay na mga kasunduang militar kabilang ang Mutual Defense Treaty at Enhanced Defense Cooperation Agreement.

AB: Protesta kontra-VFA, inilunsad sa Cebu City