Protestang 'Black Hearts Day,' inilunsad ng mga manggagawang pangkalusugan
Nagtungo sa upisina ng Department of Health (DOH) ang mga manggagawang pangkalusugan mula sa pribado at pampublikong ospital para sa protestang ‘Black Hearts Day’ kasabay ng araw ng mga puso noong Pebrero 14. Ayon sa Alliance of Health Workers (AHW), kinalampag nila ang ahensya para ibigay sa kanila ang mga benepisyong nararapat at wakasan ang kontraktwalisasyon sa kanilang hanay.
“Tinutuligsa namin ang DOH at administrasyong Marcos Jr sa patuloy na pagpapabaya sa kagalingan ng mga manggagawang pangkalusugan,” pahayag ni Robert Mendoza, pambansang pangulo ng AHW.
Dagdag pa niya, malaki ang ginagampanang tungkulin ng kanilang sektor sa sistema ng pampublikong kalusugan pero hindi sila pinahahalagahan. “Malubha pa, pinahihirapan pa kaming lalo ng administrasyong Marcos Jr sa patuloy na pagpapatupad nito ng kontraktwalisasyon sa hanay ng manggagawang pangkalusugan at pagkakait ng makatarungan at nakabubuhay na sahod,” ayon pa kay Mendoza.
Iginiit nila ang pagpapatupad ng sweldong ₱33,000 kada buwan sa lahat ng mga empleyado ng gubyerno at ₱1,100 kada araw sa mga pribadong manggagawa. “Napapanahon at makatwiran ito dahil sa ekonomikong krisis…pagtaas ng presyo ng batayang mga bilihin,” ayon kay Ernesto Bulanadi, pangulo ng Tondo Medical Center Employees Association-AHW.
Ipinanawagan din nila ang regularisasyon ng mga kapwa nila manggagawang pangkalusugan laluna sa pampublikong sektor. “Mayroong bakanteng 21,038 na pusisyong plantilla sa DOH pero hindi ito pinupunan ng ahensya. Kulang na kulang ang tauhan sa mga pampublikong ospital. Kailangan natin ng mga regular na manggagawang pangkalusugan para sa mas maayos na serbisyo sa kalusugan,” salaysay ni Edwin Pacheco, pangulo ng National Kidney and Transplant Institute Employees Association-AHW.
Sa datos ng DOH noong 2022, mayroon itong 16, 951 kaswal na mga empleyado at 9, 947 kontraktwal na mga manggawang pangkalusugan sa ilalim ng Human Resources for Health (HRH). Ayon pa sa AHW, nakatakdang mag-empleyo ang DOH ng 26,035 kontraktwal na doktor, nars, kumadrona, dentista at iba pang propesyunal sa kalusugan sa ilalim ng programang National Health Workforce Support nito sa mga kanayunan at malalayong lugar.
Sa lahat ng kapalpakang ito, ayon sa AHW, “malinaw na walang maaasahan ang mga manggagawang pangkalusugan at buong mamamayang Pilipino sa walang pusong administrasyong Marcos Jr.” Sa huli, pinagtibay nila na magpapatuloy sila sa pakikipaglaban para sa kanilang mga karapatan at kalusugan ng mamamayang Pilipino.