Balita

Proyektong dam sumisira ng pagkakaisa at kalikasan

,

Naglunsad ng dayalogo ang mga upisyal ng National Commission of Indigenous Peoples at mga katutubong Isnag sa Quezon City noong Setyembre 13 upang pag-usapan ang mga hinaing ng katutubo laban sa nakaambang konstruksyon ng Gened 2 sa Apayao-Abulog River. Inalmahan ng mga Isnag ang pagratsada ng NCIP sa pagproseso ng free, prior and informed consent (FPIC) para sa proyekto. Hindi pinayagan ng NCIP na saksihan ng midya ang dayalogo.

Kasabay ng aktibidad nagprotesta ang mga Isnag mula sa Kabugao, Apayao upang ipakita ang kanilang pagtutol.

“Kung matutuloy ang proyektong megadam na ito, tiyak na matinding banta ito sa pangangalaga ng aming kultura,” pahayag ni Jennymar Melad, myembro ng Kabugao Youth. Daing din ng mga elder ng mga Isnag, “saan kami pupunta kung ma-washout ang Kabugao?”

Tatamaan ng proyektong dam ang 21 barangay.

Ayon kay Angelo Umingli, isa sa elder ng mga Isnag mula sa Barangay Poblacion, at dating board member ng prubinsya, ang naitayong Gened 1 ay sumalanta na sa siyam na barangay ng Kabugao (Bulu, Magabta, Poblacion, mga bahagi ng Waga) at bahagi ng Balag sa munisipalidad ng Pudtol. Kung matutuloy ang Gened 2, tatamaan ang mga komunidad ng Laco, Badduat, Luttuacan, Nagbabalayan at Cabetayan, sa parehong bayan.

Saad pa ni Umingli, sinira ng dam ang pagkakaisa ng matatandang Isnag. “Dati kapag panahon ng anihan o taniman, naglulunsad kami ng innabuyog (tulungan). Ngayon, ang mga tutol sa proyektong dam ay ayaw ng tumulong sa sumusuporta sa konstruksyon nito, at ganoon din sila.

Taong 2017 sinimulan ng NCIP ang pagratsada sa FPIC para sa mga proyektong dam. Nagpatawag noong ang ahensya ng isang “consensus building activity” na nagbaliktad sa naunang desisyon ng mga katutubo na tumututol sa proyekto ng Pan Pacific Renewable Power Philippines Corporation na magtayo ng apat na megadam sa Apayao-Abulog river.

Noong Disyembre 2019, lihim na nagpatawag ang kinatawan ng katutubo ng munisipyo ng pagpupulong sa diumano’y ilang nakatatandang Isnag para sa negosasyon sa proyekto. Ibinasura nito ang pangalawang resolusyon kung saan tumututol ang mga katutubo sa konstruksyon ng dam. Ang aktibidad na ito ang lalong nagpatindi ng hidwaan sa tribu.

Ani Carmela Sibayan, isa sa lider ng mga katutubong Isnag, “hindi kami kontra sa pag-unlad, pero gusto lang namin na ang pag-unlad ay magagamit sa aming lugar at mapakikinabangan. Yung dam na iyan mapangwasak.”

AB: Proyektong dam sumisira ng pagkakaisa at kalikasan