Pulis na nanagasa sa mga raliyista noong 2016, ngayon lamang pinaaresto

, ,

Matapos ang halos walong taon, noong Hunyo 26 ipinag-utos na ng korte ang pag-aresto kay Police Staff Sergeant Franklin Kho, pulis na nanagasa sa mga raliyista sa harap ng embahada ng US noong Oktubre 19, 2016. Sinampahan siya ng tatlong ulit na attempted homicide (tangkang pagpatay), at tinakdaan ng ₱36,000 pyansa ang bawat kaso. Isinampa ang kaso sa Ombudsman matapos ang insidente, na kamakailan lamang umabot sa korte. Sa Setyembre pa itinakda ang kanyang pagdinig.

Sa harap ng matagal na paghihintay, ikinalugod ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang hakbang ng korte. “Napakalinaw ng ebidensya. Ginawa ito sa harap ng publiko at napakarami ng mga nakuhang bidyo at saksi,” ayon kay Ephraim Cortez, abugado ng mga bikima mula sa NUPL.

Samantala, nanawagan ang Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas na kaagad arestuhin ng mga pulis si Kho.

“Ikinalulugod namin ang desisyon sa kabila ng walong taong paghihintay ng hustisya. Liban kay SP03 Kho, ang kumand at iba pang mga upisyal ng pulis ay dapat ding mapanagot sa kanilang brutal na mga aksyon na lubhang nakasugat sa mga nagprotesta,” pahayag ng Katribu.

Marahas na binuwag ng mga pulis ang protesta ng mga katutubo at mga aktibista sa araw na iyon. Nambomba ng tubig ang mga pulis at gumamit pa ng tear gas para buwagin ang hanay ng mga demonstrador.

Hindi pa nakuntento, minaneho ni Kho ang police mobile at ilang ulit na sinagasaan ang mga nagprotesta. Hindi bababa sa 50 ang nasugatan sa brutalidad ng mga pulis.

Nasa Maynila noon ang mga katutubo at magsasaka para batikusin ang kinukumpasan ng US na Oplan Bayanihan sa kanayunan. Bahagi sila noon ng inilulunsad na Lakbayan ng mga mamamayan para ipabatid ang kanilang mga isyu sa Metro Manila.

“Umaasa kaming magsisilbi itong paunang halimbawa para sa iba pang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao na isinagawa ng mga ahente ng pulis at militar laban sa mga katutubo at mamamayang Moro,” dagdag ng Katribu.

Kabilang sa nagreklamo sa pulis na nanagasa sina Katribu secretary general Piya Malayao, Nicole Soria, Raymart Sumalbag, Reynaldo Moldon, Dionesio Abear, Dr. Julie Caguiat, Reyan Naong at Baling Catubigan.

AB: Pulis na nanagasa sa mga raliyista noong 2016, ngayon lamang pinaaresto