Pwersahang pagpaparehistro ng SIM, dahilan ng pagdami ng scam

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagprotesta sa harap ng upisina National Telecommunications Commission ang mga tagapagtanggol ng digital rights sa ilalim Junk SIM Registration Network (JSRN) ngayong araw, Hunyo 20, para muling ipanawagan ang pagbabasura sa SIM Registration Act at singilin si Ferdinand Marcos sa dumaraming scam sa Pilipinas.

Ayon sa grupo, dumarami ang scammers dahil mismo sa batas at hindi dahil sa “mahinang implementasyon nito.” Ito ang pahayag ng JSRN matapos aminin ng National Telecommunications Commission na ang sim registration ay hindi “silver bullet” o garantisadong solusyon sa mabilis at epektibong masawata ang text scamming at ibang cybercrime. Muling tumampok ang kawalang-silbi ng SIM Reg Act nang makumpsika ang libu-libong SIM card at cellphone sa mga upisina ng Philippine offshore gaming operator o POGO na pinaniniwalaang ginagamit sa mga iba’t ibang tipo ng scam.

Ayon kay Jenna Rodriguez ng JSRN, ang pagdami ng scam ay natural na kahihinatnan ng SIM Registration Act. “Ang pagdami ng scam ay nasa disenyo nito,” aniya. “Mula’t sapul, maling solusyon ang SIM Registration Act na nagpadali lamang sa mga scammer na samantalhin ang mga butas at makakuha ng sensitibong mga impormasyon.”

“Itinatago ng SIM registration ang mapanlinlang na identity (pagkakakilanlan) ng mga scammer,” ayon kay Rodriguez. “Sa pamamagitan ng pagrerehistro ng SIM card gamit ang mga peke at nakaw na identidad, mas madaling palabasing lehitimo ang mga scammer at mas madali nilang naloloko ang di nagdududang mga indibidwal.”

Liban dito, lumikha ang SIM Reg Act ng malalawak na database ng mga pribadong detalye ng milyun-milyong Pilipino na nagiging target ng mga cyber attack. “Ang mga database na ito, kasabay ng iresponsableng pangangalaga ng mga datos dito ng gubyerno, katulad ng maraming pagkakataon ng mga data leak at breach, ay isang problemang sasabog at magiging pabigat sa mga Pilipino at seguridad,” aniya.

Binatikos ng grupo si Ferdinand Marcos Jr, na ginawang prayoridad ang panukala at nagsabatas sa pwersahang pagpaparehistro. “Dapat ibunton ang sisi kay Marcos sa pagtutulak niya sa inutil na batas na ito,” ayon kay Rodriguez. “Dapat itong agad na ibasura. Dapat maprotektahan ang mga digital rights. Ang gubyerno ni Marcos, laluna ang NTC, ay dapat managot sa pagdami ng mga scam at data breach.”

Dagdag sa pagbasura ng SIM Reg Act, giit rin ng mga grupong nagtatanggol sa pribasiya at digital rights ang kagyat na pagbubura ng masasaklaw na personal na datos na nasa kamay ng mga ahensya sa seguridad ng estado at mga pribadong kumpanya sa telekomunikasyon.

AB: Pwersahang pagpaparehistro ng SIM, dahilan ng pagdami ng scam