Balita

Rali kontra chacha, inilunsad ng mga magsasaka sa Bacolod City

Inilunsad ng mga magsasaka ng Negros Island ang isang martsa-protesta sa Bacolod city noong Enero 24 para kundenahin ang isinusulong na charter change o “chacha” ng rehimeng Marcos. Ang aktibidad ay bahagi ng 2-araw na kampanya ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP)-Negros at National Federation of Sugar Workers Negros (NFSW) para sa karapatan sa lupa at hustisya sa mga magsasakang pinaslang at biktima ng paglabag sa karapatang-tao ng estado.

Nagmartsa ang mga grupo tungo sa Fountain of Justice sa Bacolod City kung saan sila naglunsad ng programa. Ayon sa mga magsasaka, tinututulan nila ang “chacha” dahil ibubuyangyang nito ang Pilipinas sa buu-buong dayuhang pag-aari sa mahahalagang aspeto ng ekonomya ng bansa kabilang na ang lupa.

“Ang pagbukas ng ating ekonomya sa dayuhang negosyante ay magreresulta sa pangangamkam ng lupa sa mga magsasaka at patuloy na pagsalalay sa importasyon ng produktong agrikultural tulad ng bigas, asukal at iba pa,” ayon sa KMP-Negros.

Ibubukas din ng “chacha” ang sandaang porsyentong pag-aari sa mga mahahalagang aspeto ng lipunan kabilang ang edukasyon, masmidya, at mga yutilidad tulad ng tubig, kuryente at telekomunikasyon. Binatikos din nila ang plano ng rehimeng Marcos na pahabain ang pampulitikang termino sa poder sa pamamagitan ng “chacha.”

Iginiit din nilang dapat ibasura ang programa ng reklasipikasyon ng kanilang mga lupang sakahan at ang pagpapatupad ng Support to Parcelization to Land Individula Titling (SPLIT) na anila ay ginagamit para agawin ang kanilang mga lupa. Ipinanawagan din nila ang hustisya para kay Alexander Ceballos, lider-magsasaka na pinaslang ng rehimeng Duterte noong Enero 20, 2017.

Kasabay na ginunita ng KMP-Negros at NFSW ang ika-37 anibersaryo ng Mendiola Massacre. Nasawi sa naturang masaker ang 13 magsasaka noong Enero 22, 1987 sa Mendiola, Manila. Ang 13 magsasaka ay kabilang sa libu-libong nagtungo noon sa Mendiola upang ipanawagan dating Pangulong Cory Aquino na ipatupad ang tunay na reporma sa lupa.

Samantala noong Enero 23, inilunsad nila ang piket-dayalogo sa Provincial Agrarian Reform Office I sa Bacolod City kaugnay ng 37 mga asyenda sa Negros Island.

AB: Rali kontra chacha, inilunsad ng mga magsasaka sa Bacolod City