Balita

Red-tagging ng NTF-Elcac sa isang talakayan sa Ateneo de Davao, binatikos

,

Kinundena ng Anakbayan-Southern Mindanao ang pagpapakalat ng kasinungalingan at Red-tagging ng National Task Force (NTF)-Elcac at mga bayarang tauhan nito sa isang talakayan sa Ateneo de Davao University (AdDU) noong Oktubre 11. Inulit-ulit ng NTF-Elcac dito ang gasgas nang mga kwento nito na ang Anakbayan, Gabriela Youth, League of Filipino Students, Kabataan Partylist at iba pang ligal na organisasyon ay prente ng rebolusyonaryong kilusan.

Sumuka ng basura sa talakayan sina NTF-Elcac Undersecretary Ernesto Torres, pangulo ng pinatatakbo ng militar na Kalinaw-SEMR na si Ariane Jane “Marikit” Ramos, at berdugong sundalong si Daniel “Stephen” Castillo. Inimbita sila ng AdDU sa isang talakayang pinamagatang “Legacies of Violence and Transitional Justice in the Philippines”.

Idiniin ng Anakbayan-Soutern Mindanao na ang kanilang organisasyon ay 25 taon nang naninindigan para sa demokratikong karapatan ng aping mga sektor ng lipunan. Itinatag ang Anakbayan noong Nobyembre 30, 1998.

“Bilang panrehiyong balangay, nakiisa kami sa mga drayber ng dyip sa kanilang laban sa jeepne phaseout…namuno sa mga kampanya para sa nakabubuhay na sahod at regularisasyon sa trabaho sa Davao City,” ayon sa grupo. Anila, nanindigan din sila para sa karapatan ng mga estudyante sa edukasyon at akademikong kalayaan sa mga eskwelahan at unibersidad. Dagdag pa ng grupo, mahusay nitong itinataguyod ang kanilang konstitusyon at pakikibaka para sa pambansang demokrasya.

Sa kabila nito, paulit-ulit na kumakaharap ang Anakbayan sa red-tagging at pagbabansag na terorista mula sa mga pwersa ng estado. Binatikos nito si Torres sa ipinangangalandakan nitong ang “truth telling” o “pagsasabi ng totoo” na panabing lamang sa ginagawa nitong pag-uugnay ng mga ligal na organisasyon sa armadong kilusan.

“Mga ipokrito sila sa pagbabansa sa sarili bilang mga ‘truth-tellers’ at ‘tagapagtaguyod ng kapayapaan’ habang tinatawag na “kaaway ng demokrasya’ ang mga nagsasalita para ilantad ang mga inhustisya ng estado at nagpapalaganap ng terror-tagging,” ayon pa sa Anakbayan-Southern Mindanao.

Isinampal ng grupo sa mukha nina Torres ang katotohanan na ang numero unong rekruter ng kabataang Pilipino sa armadong rebolusyon ay ang gubyerno mismo. “Dapat nilang mabatid na hanggang hindi tinutugunan ng estado ang sistematikong mga suliranin ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo na nagtutulak sa pagbangon ng mga kabataan ay patuloy silang lalaban,” anang Anakbayan-Southern Mindanao.

AB: Red-tagging ng NTF-Elcac sa isang talakayan sa Ateneo de Davao, binatikos