Red-tagging sa mga progresibong organisasyon at lider-maralita sa Cavite, kinundena
Kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan-Cavite ang pangrered-tag ng Bacoor Component City Police Station (Bacoor CCPS) sa kanilang isinagawang PNP Lecture and Community Outreach Program noong Marso 31 sa komunidad ng mga maralita sa Sityo Silangan, Barangay Talaba 7, Bacoor, Cavite.
Ayon sa grupo, ni-red tag ng mga pwersa ng Community Affairs Development and Public Information Office (CAD-PIO) ng kapulisan ng Bacoor ang mga progresibong organisasyon at mga lokal na lider-maralita ng Sityo Silangan. Matapos ang programa, namahagi pa ang mga kapulisan ng mga polyetong “kontra-terorismo” na naglalaman ng mga larawan at pangalan ng mga ligal na organisasyon.
“Pinipilit iugnay ang mga aktibidad, protesta at mga lehitimong karaingan ng mga maralita sa terorismo.” pahayag ng grupo. Ang Sityo Silangan ay isa sa mga komunidad sa bayan ng Bacoor na may nakaambang demolisyon at pagpapalayas sa mga maralita. Simula 2019 ay nakaranas ng sunud-sunod na panggigipit, panununog, kabi-kabilang operasyong “kontra-droga” at harasment ang mga residente ng Sityo Silangan.
Sa pangunguna ng JSHGM 88888 Inc. at ng ahenteng si Amy Gawaran ay kinakamkam ang mahigit 97-ektaryang lupa ng Sityo Silagan. Balak ng mang-aagaw ng lupa na palayasin ang mga residente sa sityo at palawakin dito ang parking lot ng katabing IT park at technology hub na pinatatakbo ng CBC Asia Technozone. Hindi bababa sa 200 pamilya ang mapapalayas at mawawalan ng tirahan kapag natuloy ang demolisyon.
Sa ulat ng grupo, nakaamba pa rin ang planong pagpapalayas sa mga residente. Noong Marso 15, pinadalhan ng demand letter ang Bagong Silangan (lokal na samahang masa sa Talaba 7 at Niog 1) kung saan binibigyan na lamang sila nang hanggang Marso 31 bago sapilitang paalisin sa kanilang komunidad.