Rehimeng Marcos, pinakamalaking banta sa kalikasan ng Pilipinas—mga grupong pangkalikasan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagprotesta ang mga grupo at aktibistang pangkalikasan sa tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Quezon City noong Hunyo 5, kasabay ng paggunita sa taunang World Environment Day. Sa pangunguna ng Kalikasan People’s Network for the Environment, binatikos nila ang rehimeng Marcos bilang “pinakamalaking banta” sa kalikasan ng Pilipinas.

“Idinudulot ni Pangulong Marcos Jr at kanyang administrasyon ang pinakamalaking pinsala sa kalikasan ng Pilipinas at sa ating mamamayan. Ang kanyang pagkahumaling sa mga proyektong tulad ng malalaking pagmimina, malawakang reklamasyon sa Manila Bay at Cebu, at…mga mega-dam at…plantang nukleyar ay sumisira sa ating mayaman na biodiversity, ating kalusugan at ating hinaharap,” pahayag ni Jonila Castro, upisyal sa adbokasiya ng Kalikasan.

Sa datos na natipon ng Kalikasan, hindi bababa sa 134 na proyektong mina na sumasaklaw sa halos 59,000 ektarya ng lupa ang inaprubahan o pinalawig ang operasyon ng rehimeng Marcos. Umaabot naman sa 20 mapangwasak na malaking dam ang kasalukuyang itinatayo sa buong bansa.

“Para sa milyun-milyong mga Pilipino, ang sinasabing ‘malinis’ at pangkaunlarang mga proyektong ito ay nangangahulugan lamang ng pagpapalayas, kagutuman, mas pinatinding bulnerabilidad, at paghihirap,” dagdag pa ni Castro. Sa kabila nito, nagbubulag-bulagan umano si Marcos para patuloy na magkamal ng limpak-limpak na pera mula sa mga ito kasama ang kanyang mga kasabwat na burgesyang kumprador.

“Ginagamit nila ang armadong tropa ng estado bilang pwersang pananggol [para sa mga proyektong ito] para patahimikin ang kahit sinong lumaban,” ayon pa kay Castro. Si Castro mismo ay biktima ng pagdukot at karahasan ng estado nang dukutin, kasama si Jhed Tamano, noong Setyembre 2023 dahil sa kanilang paglaban sa reklamasyon sa Manila Bay. Sa buong mundo, kabilang ang Pilipinas sa pinakadelikadong mga lugar para sa mga tagapagtanggol ng kalikasan.

Nakilahok din sa protesta sa DENR ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) at Amihan National Federation of Peasant Women. Kinastigo nila ang rehimeng Marcos sa kainutilan nito na tugunan ang pangangailangan ng mga sektor sa kanayunan na pangunahing apektado ng mas tumitinding mga kalamidad bunga ng nagbabagong klima at pagkasira ng kalikasan.

Ang World Environment Day ay taunang paggunita na itinakda ng United Nations para ipanawagan ang pagprotekta sa kalikasan. Idineklara ito noong 1972 at unang ginunita noong 1973.

AB: Rehimeng Marcos, pinakamalaking banta sa kalikasan ng Pilipinas—mga grupong pangkalikasan